ACTIVE COVID-19 CASES SA KAMARA, SUMIPA SA 40

UMABOT na sa 40 ang active cases ng COVID-19 sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Ito ang kinumpirma ni House Secretary General Mark Llandro Mendoza at sinabing pawang mga empleyado pa lamang ang bilang na ito at hindi kasama sina Majority Leader Ferdinand Martin Romualdez at Negros Oriental Rep. Jocelyn Limkaichong.

Hindi isinama sa bilang sina Romualdez at Limkaichong dahil sa labas ng Batasan umano nagpa-COVID-19 test ang mga ito.

“As of yesterday, we have 40 active cases with 6 recoveries. Hindi kasama sina Majo (Romualdez) at Congresswoman Limkaichong. At kung isasama sila 42 (ang active cases),” ani Mendoza.

Hindi rin kasama sa bilang ng recoveries si Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor na gumaling na sa COVID-19 noong nakaraang linggo.

Ang Kamara ay nagsasagawa ng lingguhang antigen test at ang mga magpopositibo ay agad na inire-refer para sa kanilang confirmatory test o swab test.

Mula noong 2020, umaabot na umano sa 277 ang nagkaroon ng COVID-19 sa Kapulungan kung saan 227 ang naka-recover at 6 dito ang namatay na kinabibilangan ng huling casualty na staff ng Media affairs Service, na si Mar Castro na namatay noong Lunes.

Nitong Martes ay suspendido ang trabaho sa Kamara gayundin ang sesyon matapos umabot sa 8,109 ang naitalang bagong kaso sa COVID-19 noong Lunes.

Ito ang ginamit na basehan ng Kamara para suspendehin ang trabaho sa Kapulungan hanggang ngayong araw na ito upang makapag-disinfect sa lahat ng mga gusali sa Batasan.

Gayunpaman, magkaroon muli ng sesyon ang Kongreso sa Huwebes, dahil marami umanong panukalang batas na kailangang maipasa sa ikatlo at huling pagbasa. (BERNARD TAGUINOD)

138

Related posts

Leave a Comment