Ginamit sa Camarines Norte gun battle 75 IEDs ng NPA, GALING SA ILLEGAL MINING

NADISKUBRE ng Philippine National Police (PNP) na galing sa minahan ang ginamit na 75 improvised explosive devices (IED) ng pangkat ng New People’s Army (NPA) na nakipag-engkwentro sa mga pulis noong Marso 19.

Tinukoy ni Major Gen. Albert Ignatius Ferro, hepe ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), na sa small-scale illegal mining operations sa Camarines Norte nagmula ang mga materyales sa IED.

Ginamit ng mga gerilya ng NPA ang IED sa pakikisagupa sa mga pulis ng lalawigan kung saan limang pulis ang namatay at dalawa ang nasugatan.

Dahil sa nadiskubre, irerekomenda ng PNP sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pagpapasara ng mga minahan sa Camarines Norte.

Nakuha ng mga imbestigador sa pinangyarihan ng krimen sa Barangay Dumangmang sa munisipalidad ng Labo, ang 75 IEDs (na naglalaman ng isang malaki, 16 maliliit at 53 medium), limang molotov petrol bombs at iba pang mga gamit-pampasabog.

Matatandaang tinumbok ni Lt. Gen. Guillermo Lorenzo Eleazar na ang mga pulis ay nagbabantay sa lugar upang magbigay ng proteksyon laban sa mga gerilya ng NPA na nanggugulo at nagbantang babalikan ang mga taong gumagawa ng kalsadang magdudugtong sa Camarines Norte at Quezon, kung hindi magbibigay ng ‘komisyon’ ang kumpanyang may kontrata sa paggawa ng tulay sa Barangay Dumangmang.

Si Eleazar na PNP Deputy Chief for Administration, ang siyang Officer- In-Charge (OIC) ng pambansang pulisya makaraang sumailalim sa kwarantina si General Debold Sinas.

Aabot sa 3 porsiyento ng kabuuang halaga ng proyekto ang inihihirit ng NPA, pahayag ni Eleazar.

Tinutugis ng mga operatiba ng PNP sa ikaapat at ikalimang rehiyon, ang nasabing mga rebelde. (NELSON S. BADILLA)

230

Related posts

Leave a Comment