NANGAKO si Pangulong Rodrigo Roa Duterte na tutugunan ang nakagugulat na patayan sa Negros Oriental.
Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na nagpahayag ng kanyang sentimyento si Pangulong Duterte sa isinagawang Regional Peace Council meeting sa Dumaguete, noong Lunes.
“Nagparating po ng mensahe ang ating presidente that he is appalled doon sa mga patayan na nangyayari sa Negros Oriental,” ayon kay Sec. Roque.
“Ang sinabi po ng presidente is he will be completely neutral pero gagampanan ng estado ang kaniyang obligasyon na imbestigahan, litisin at parusahan ang mga tao na pumapatay sa Negros Oriental,” dagdag na pahayag ni Sec. Roque.
Bagama’t hindi naman tinukoy ni Sec. Roque kung anong patayan ang tinutumbok ni Pangulong Duterte ay sinabi nito na ang “minutes of meeting” sa Regional Peace Council ay “confidential.”
Gayundin, inatasan aniya ni Pangulong Duterte ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na lutasin ang “conflicting land claims” na sinasabing isa sa dahilan ng patayan.
Sa panig naman ng Department of Agrarian Reform (DAR), inatasan ito na bilisan ang distribusyon ng lupain sa farmer beneficiaries sa Negros Oriental para maiwasan ang armed struggle. (CHRISTIAN DALE)
224 