NADAGDAGAN pa ang mga bansa na pansamantalang hindi tatanggapan ng biyahero ng Pilipinas dahil sa banta ng bago at posibleng mas nakahahawang COVID-19 variant.
Kabilang sa sinuspinde ang inbound flights mula Hong Kong.
Gayunman, sinabi ni acting Presidential spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles na hinihintay pa nila ang magiging anunsyo ng Inter-Agency Task Force ( IAT) kasunod ng pinal na rekomendasyon mula sa Technical Working Group on COVID-19 Variants and other agencies.
Nilinaw naman ni National Task Force Against COVID-19 Restituto Padilla na hindi ipagbabawal ang paglabas sa bansa ng mga Pilipino pero kung naka-ban ang flight na kanilang sasakyan pabalik ay hindi sila makapapasok sa Pilipinas.
Nauna nang inaprubahan ng Inter-Agency Task Force (IATF) noong Biyernes, ang temporary suspension ng inbound international flights mula South Africa, Botswana, at iba pang bansa na may local cases o mayroong kahalintulad na mga pangyayari na may kinalaman sa B.1.1.1529 o Omicron variant.
Epektibo ito hanggang Disyembre 15, 2021.
Ang Bureau of Quarantine, sa pakikipag-ugnayan sa local government units, ay inatasan na i-locate ang mga biyahero mula sa mga nasabing bansa na dumating sa Pilipinas 7 araw bago pa ianunsyo ang temporary suspension ng inbound travel.
Ang mga byaherong ito ay required na sumailalim sa buong 14-day facility-based quarantine na may RT-PCR test sa pang-7 araw o kapag nakita o nahanap na ang pasahero “whichever is later, with the date of arrival as Day 1.”
Sa kabilang dako, inaprubahan din ng IATF ang temporary suspension ng inbound international flights mula Namibia, Zimbabwe, Lesotho, Eswatini, at Mozambique, na katabi ng South Africa at Botswana. (CHRISTIAN DALE)
