KINUMPIRMA ng Armed Forces of the Philippines kahapon na nagpositibo sa isinagawang COVID-19 test si AFP Chief of Staff, General Andres Centino.
Ayon kay Col. Ramon Zagala, tagapagsalita ng AFP, kasalukuyang nasa approved isolation facility sa loob ng Camp Aguinaldo si Gen. Centino kung saan ay nagagawa pa rin nito ang kanyang trabaho bilang ayudante mayor ng hukbong sandatahan kahit na naka-quarantine.
Sinabi pa ni Zagala, nananatiling ‘in full command’ si Gen. Centino at pinangangasiwaan ang lahat ng units sa pagtupad ng kanilang itinakdang mga responsibilidad.
Kaugnay nito, nanawagan ang Chief of Staff sa lahat ng kasapi ng hukbo na panatilihin ang pagsunod sa lahat ng pinaiiral na safety measures at tumalima sa itinakdang health protocols para maiwasan ang pagkalat ng nakamamatay na sakit.
Magugunitang kamakailan ay inamin din ni Philippine National Police (PNP) chief, Gen. Dionardo Carlos na maging siya ay tinamaan ng COVID-19 at kasama siya sa 164 aktibong kaso sa kanilang hanay. (JESSE KABEL)
220 