TUMATAGINTING na P80 milyong halaga ng mga iligal na kontrabando ang sinamsam sa isang pinagsanib na operasyon kontra smugglers sa isang kubling bodega sa bayan ng Pandi, lalawigan ng Bulacan kamakailan.
Bitbit ang isang Letter of Authority na nilagdaan ni Customs commissioner Rey Leonardo Guerrero, sinalakay ng Bureau of Customs – Manila International Container Port (BOC-MICP) Intelligence and Investigation Service, National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine Coast Guard (PCG) ang bodegang pakay ng operasyon kung saan tumambad ang samu’t saring kalakal na pinaniniwalaang ipinuslit lang sa bansa.
Kabilang sa mga kalakal na inabutan at kinumpiska ng mga operatiba ang mga pyesa at accessories ng motorsiklo, gamit sa kusina, power tools, signal boosting device para sa telebisyon, laruan at aklat.
Sa tala ng BOC, hindi bababa sa P80 milyon ang halaga ng mga nasamsam na kalakal. Wala namang iniulat na arestado sa nasabing operasyon, bagama’t ayon sa kalatas ng kagawaran, sasampahan ng kasong paglabag ng Republic Act 8293 (Intellectual Property Code of the Philippines) at RA 10863 (Customs Modernization and Tariff Act) ang hindi tinukoy na may-ari ng pinasok na bodega.
478 