MISIS PATAY, MISTER SUGATAN SA AKSIDENTE

QUEZON – Binawian ng buhay ang isang 60-anyos na babaeng backrider habang sugatan naman ang asawang driver ng motorsiklo makaraan ang aksidente sa bayan ng San Francisco sa lalawigang ito, noong Biyernes.

Ayon sa ulat ng pulisya, nakasakay sa likod ng motorsiklo si Susana Roda habang binabagtas ng kanyang asawang si Eutillo Roda, 57, ang national highway sa Barangay Abuyon bandang alas-6:10 ng gabi.

Ngunit tumama umano ang motorsiklo sa tagiliran ng tricycle na minamaneho ni Sander Khan Calusin na aktong paparada sa tabi ng kalsada.

Bunsod nito, nawalan ng kontrol sa motorsiklo si Eutillo na naging dahilan para tumilapon si Susana sa kalye.

Agad isinugod ang mag-asawa sa San Narciso Municipal Hospital sa kabayanan ngunit hindi umabot nang buhay si Susana habang nilalapatan ng lunas si Eutillo na nasugatan sa ulo. Pinalad namang hindi napinsala sa insidente si Calusin.

Masusing iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente.

Ayon sa report ng Philippine National Police-Highway Patrol Group, umabot sa mahigit 6,000 aksidente sa motorsiklo ang naitala sa buong bansa noong 2021.

Karamihang sanhi ng aksidente ay ‘human error’. (NILOU DEL CARMEN)

186

Related posts

Leave a Comment