BAGONG BARKO NG PCG MAGPAPATRULYA SA WPS

GAGAMITIN sa pagpapatrolya ang bagong barko na BRP Teresa Magbanua ng Philippine Coast Guard sa West Philippine Sea (WPS) sa sandaling makabalik  ito mula sa Regional Marine Pollution Exercise (Marpolex) 2022 sa Indonesia.

Napag-alaman kay PCG Rear Admiral Bobby Patrimonio ng PCG Marine Environmental Protection Command, gagamitin sa “sovereign patrol” ang nasabing barko at palalakasin ang maritime border security ng bansa.

Ayon kay Patrimonio, nagbigay ng direktiba si PCG Admiral Artemio Abu sa mga barko na muling magpatrolya sa WPS sa Benham Rise.

Dagdag pa, ang BRP Teresa Magbanua aniya ay handa nang maghatid ng mga kalakal at mga tao sakaling magkaroon ng maritime incident o ano mang sakuna.

Sa ngayon, ang BRP Teresa Magbanua at ilan pang barko ng PCG ay naglalayag na patungong Makassar, Indonesia para lumahok sa Marpolex 2022 na gaganapin sa Mayo 22 hanggang 29.

Makakasama ng PCG sa aktibidad ang Directorate General of Sea Transportation (DGST) ng Indonesia at Japan Coast Guard (JCG).

“Ang kahalagahan nito ay ang mapagtibay at paghandain iyong tauhan natin at saka iyong mga tauhan ng Indonesia in case of any transboundary oil spill,” sabi ni Patrimonio

Ayon pa sa opisyal, ang “interoperability” ng barko ng PCG ay masusubok din sa panahon ng pagsasanay.

Nitong Lunes, isinagawa ang send-off ceremony para sa BRP Teresa Magbanua bago naglayag para sa Marpolex 2022.

Kasama rin sa pagsasanay ang BRP Gabriela Silang, BRP Malapascua, at BRP Cape Engaño ng PCG. (RENE CRISOSTOMO)

234

Related posts

Leave a Comment