BBM-SARA IPOPROKLAMA SA MAYO 27

(BERNARD TAGUINOD)

POSIBLENG ihayag at pormal nang iproklama ng mga senador at kongresistang uupong miyembro ng National Board of Canvassers (NBOC) ang susunod na Pangulo at Pangalawang Pangulo pagsapit ng Mayo 27.

Sa inilabas na kalatas ng Senado at Kamara, inaasahan ang pagdating ng ballot boxes na naglalaman ng certificates of canvass (COC) sa Batasan Pambansa sa Mayo 23, kasabay ng pagbabalik plenaryo ng mga mambabatas.

Pagsapit naman ng Mayo 24, inaasahan ang sabayang sesyon ng dalawang kapulungan para sa isang joint session kung saan nakatakdang buuin ang joint committee na siyang mangangasiwa sa pagrerebisa at pagtatala ng datos batay sa nakatala sa mga COCs.

Naglaan lang ng dalawang araw – mula Mayo 25 hanggang 26 – ang Senado at Kamara sa pagka-canvass sa mga COCs para bigyang daan ang proklamasyon ng nagwaging kandidato sa mga posisyon ng Pangulo at Pangalawang Pangulo pagdating ng Mayo 27.

Base sa partial at unofficial tally ng Commission on Election (Comelec), milya-milya ang agwat ni “Presumptive President” Ferdinand Marcos Jr. na nakapagtala ng 31,104,175 boto sa pumangalawang si Vice President Leni Robredo na ayon sa Comelec Transparency Server ay mayroon lamang mahigit 14 milyong boto.

Inaasahan na rin ang proklamasyon ng katambal ni Marcos na si Davao City Mayor Sara Duterte matapos makasungkit ng 31,561,948 boto.

Kabilang sa mga kongresistang tatayong miyembro ng NBOC sina House Majority Leader and Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez, Reps. Crispin Remulla (Cavite), Abraham Tolentino (Cavite), Juan Pablo Bondoc (Pampanga), Stella Luz Quimbo (Marikina City), Kristine Singson-Meehan (Ilocos Sur) at Sharon Garin (AAMBIS-OWA).

Itinalaga namang alternate members sa NBOC sina House Committee on Suffrage and Electoral Reforms chairperson Juliet Marie de Leon Ferrer (Negros Occidental), Francisco Benitez (Negros Occidental), Johnny Pimentel (Surigao del Sur) at Manuel Jose Dalipe (Zamboanga City).

252

Related posts

Leave a Comment