PNP OFFICIAL NA SANGKOT SA KATIWALIAN NA-PROMOTE PA!

RAPIDO Ni PATRICK TULFO

MAKULAY pala ang nakaraan nitong bagong talagang ­Manila Police District Director P/BGen. Andre Perez Dizon, ayon sa isang kasamahan sa hanapbuhay na aking nakakuwentuhan kamakailan lamang.

Ito raw si Gen. Dizon ay sangkot sa katiwalian noong siya ay nasa PNP SAF pa, na may kinalaman sa maling paggamit ng pondo ng SAF na nagkakahalaga ng P58.9 million na additional subsistence allowance sana para sa 4,000 miyembro ng PNP Elite Force, na ginamit daw bilang operational expenses noong taong 2016-2017.

Matatandaang hindi nakarating sa libo-libong SAF troopers ang kanilang allo­wance dahil naglaho na lang ito nang parang bula.

Senior Supt. palang noon si Gen. Dizon at budget and fiscal officer ng SAF, habang si Gen. Benjamin Lusad naman ang direktor noon ng nasabing organisasyon. Kapwa sila nasangkot sa isyu ng katiwalian.

Sa pagdinig na isinagawa sa Senado ng Committee on Public Safety and Dangerous Drugs noong 2018, tila nagtuturuan sina SAF Director Lusad at Gen. Dizon nang sabihin ni Lusad na hindi niya alam ang pagdispalko ng multi-million allowance ng SAF na kanyang pinamumunuan, dahil nakatutok daw siya sa operasyon nito at tiwala siya sa kanyang mga tauhan.

Pero sabi ni Dizon, aprubado ni Lusad ang pagpapalabas ng pondo at iginiit na sumunod lang siya sa utos ng kanyang direktor (noon na si Lusad).

Sa kalagitnaan ng imbestigasyon ng Senado, isinoli ni Dizon ang perang nagkakahalaga ng P37 milyon. At sinabi ni Sen. Bato Dela Rosa na kahit na ibinalik ang pera ay hindi ito nangangahulugan na ligtas na sila sa imbestigasyon.

Inulan ng maraming katanungan ang pagbalik ni Dizon ng pera. Una, bakit hawak pa rin ni Dizon ang pondo? Pangalawa, ang perang ibinalik ba niya ay ang pondong nawawala o personal niya itong pera? Aba, ang dami namang pera ni sir, kung ganu’n!

Pangatlo, bakit nila isosoli ang pera kung totoong ginamit ito bilang operational expenses noong 2016-2017?

Ang nakapagtataka, tila na-promote pa itong si Dizon ngayong naitalaga pa siya bilang hepe ng MPD. Sa kabila ng kontrobersya sa korapsyon na kinaharap nito, ilang taon palang ang nakalilipas ay heto s’ya’t nasa mas mataas pang ranggo.

Ano na ba ang nangyari sa imbestigasyon ng Senado sa nawawalang pera ng SAF? Mukhang tuluyan na itong binaon sa limot. Kawawa lang ang kapulisang nasa mas mababang ranggo.

‘Di biro ang pakikipagsapalaran ng SAF sa mga bakbakan, dapat lang na bigyan sila ng magandang incentive. Pero paano kung ang pondong para sa kanila ay mapupunta lang sa bulsa ng iilang korap nilang opisyal.

216

Related posts

Leave a Comment