CAVITE – Sugatan ang isang admin officer ng Bureau of Correction (Bucor) nang magsalpukan ang motorsiklo ng biktima at isang Nissan Navara na minamaneho ng isang engineer sa Bacoor City noong Huwebes ng gabi.
Nilalapatan ng lunas sa Southern Tagalog Regional Hospital ang biktimang si Maria Loresca y Iglesias, admin officer ng BuCor, at residente ng Cupang, Muntinlupa City.
Kinilala naman ang driver ng kulay earth brown na Nissan Navara na may plate number na NCU 5102, na si John Kevin Camba y Carino, 25, isang field engineer ng Brgy. Salitran 3, Dasmariñas City Cavite.
Ayon sa ulat ni P/SMS Roberto Lacasa ng Bacoor City, Cavite, kapwa binabagtas ng dalawang sasakyan ang kahabaan ng Daang Hari Road, Bacoor City, Cavite. Ang biktima ay minamaneho ang isang motorsiklong Yamaha Mio Gear at nasa center lane habang isang Nissan Navara naman ang minamaneho ni Camba na nasa inner lane.
Ngunit pagsapit sa Barangay Molino 4 ng nasabi ring Lungsod nang magbanggaan ang dalawang sasakyan dakong alas-6:30 ng gabi dahilan ng pagkakasugat ng biktima habang nasira naman sa ilang bahagi ng sasakyan ni Camba. (SIGFRED ADSUARA)
