ARESTADO ang tatlo katao matapos mahulihan ng hinihinalang ilegal na droga na nagkakahalaga ng mahigit P100,000, at dalawang baril sa isinagawang buy-bust operation noong madaling araw ng Setyembre 26, 2026 sa Brgy. Pinagbuhatan, Pasig City.
Ayon sa ulat, ang nasabing operasyon ay pinangunahan ng Pasig City Police Station Drug Enforcement Unit (DEU), Intelligence Section, Special Weapons and Tactics (SWAT) team, sa pakikipagtulungan ng Pasig City Anti-Drug Abuse Office, dakong alas-3:30 ng umaga sa Kenneth Road corner Eusebio Avenue.
Nabatid sa ulat na nakarating kay PBen. Roman Arugay, district director ng Eastern Police District (EPD), kinilala ni PCol. Hendrix Mangaldan ang mga suspek na sina alias “Owen”, 43, discharge member ng Armed Forces of the Philippines (AFP), “Eugene”, 29, isang driver, at “Ruel”, 34, isang sekyu.
Nasamsam ng mga awtoridad mula sa mga suspek ang siyam na heat-sealed plastic sachet na naglalaman ng 15 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na P102,000.
Kumpiskado rin mula sa mga suspek ang tatlong mobile phones, isang Yamaha NMax, Suzuki Skydrive na motorsiklo at ang buy-bust money na ginamit sa nasabing transaksyon.
Bukod sa nabanggit na droga at mga motorsiklo, nakumpiska rin ang isang Glock 17 9mm pistol, at isang Bushmaster 5.56mm rifle, na parehong loaded ng live ammunitions.
Idinagdag pa ni PBGen. Arugay, dati nang naaresto si “Owen” sa kasong ilegal na droga noong Mayo 2017 at sa ilegal na sugal naman noong Enero 2024.
Nahaharap ang tatlo sa mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, at Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Pansamantalang nakapiit ang tatlo sa custodial facility ng Pasig City Police Station para sa inquest proceedings.
(NEP CASTILLO)
104 