SUGATAN ang 10 katao, kabilang ang dalawang menor de edad na estudyante, nang araruhin ng driver ng isang Toyota Innova ang dalawang pedestrian at nadamay ang isang pampasaherong jeepney na may mga pasahero sa Silang, Cavite noong Sabado ng hapon.
Pawang isinugod sa Medical City Sta. Rosa, Qualimed Hospital at Bubbles Medical Clinic ang mga biktimang sina alyas “Richard”, 45, ng San Mateo, Rizal; “Marcelina”, 56, ng Pasig City; “Christian”, 36, ng Silang, Cavite;
“Robielyn”, 24, ng Silang, Cavite; “Yvone”, 26, ng San Pablo City, Laguna; “Josephine”, 56, ng Silang, Cavite, pawang mga pasahero ng jeepney; alyas “Ricardo”, 24, ng Silang, Cavite, at “Jovert”, 25, ng Silang, Cavite, mga pedestrian; alyas “Keith”, 13, at “Kelly”, 12, ng Silang, Cavite, mga pasahero sa sasakyan ni Fernando, dahil sa sugat sa kanilang katawan.
Ayon sa ulat, bandang alas 4:00 ng hapon nang mangyari ang insidente sa kahabaan ng Sta. Rosa-Tagaytay Road, Brgy. Puting Kahoy, Silang, Cavite kung saan parehong binabagtas ng pampasaherong jeepney na may plakang DWJ546, na minamaneho ni alyas “Gerardo”, 57, at ng isang Toyota Innova na may plakang DBI4525, na minamaneho ni alyas “Fernando”, patungo sa direksyon ng Sta. Rosa, Laguna.
Pagsapit sa pinangyarihan ng insidente, tumigil ang pampasaherong jeepney ni Gerardo upang magsakay ng pasahero habang paparating naman ang sasakyan ni Fernando dahilan upang masagasaan nito ang dalawang pedestrian at masagi ang pampasaherong jeepney ni Gerardo na nagresulta sa kanilang pagkakasugat.
Pawang isinugod sa magkahiwalay na ospital ang mga biktima habang hawak na ng pulisya ang driver ng Toyota Innova.
(SIGFRED ADSUARA)
85 