TINANGGAL NA SYSTEMS LOSS CHARGE ‘DI DAPAT BAWIIN SA IBANG SINGIL – TULFO

TINIYAK ni Senate Committee on Energy Chairman Senator Erwin Tulfo sa mga konsyumer na hindi maaaring bawiin ng mga electric company sa ibang paraan ang napipintong pagtanggal ng systems loss charge sa electricity bill.

Ang pahayag ni Tulfo ay kasunod ng pangamba ng ilang konsyumer na maaaring ilipat lamang ng mga power distributor sa distribution o supply charges ang mawawalang systems loss charge.

“Nakita na namin ‘yang lusot na ‘yan at hindi ‘yan pwede. Hindi naman maaaring tinanggal lang natin yung systems loss charge sa isang bahagi ng bill, tapos makikita lang din natin na isiningit na pala sa isang bahagi,” ani Tulfo.

Ayon kay Tulfo, malinaw sa Senate Bill No. 2486 o “Systems Loss Charge Removal Act” na hindi maaaring i-recover ng distribution facilities at electric cooperatives ang allowed losses sa pamamagitan ng distribution wheeling charges, supply charges, metering charges, universal charges, subsidies o anomang bahagi ng electricity bill.

Ang panukala ay kabilang sa mga priority measure ng kasalukuyang administrasyon at matagumpay na ini-sponsor ni Tulfo sa plenaryo noong Setyembre 22.

“Bakit kailangan konsyumer ang sasalo ng kuryenteng hindi naman niya ginamit? Bakit sasaluhin ng konsyumer kung hindi maayos yung pamamalakad o sira-sira ang gamit ng kumpanya?” tanong ni Tulfo.

“Talong-talo ang konsyumer sa ganitong sistema. Dahil sila na ang sasalo ng gastos, sila pa ang gagastos ng di kagandahang serbisyo,” dagdag pa ng senador.

Dahil dito, hinimok ni Tulfo ang mabilis na pag-usad ng panukala upang maisabatas na at matuldukan ang pagpapasa ng systems loss charge sa mga konsyumer.

“Hindi luho ang kuryente, pangangailangan ito para mabuhay nang may dignidad sa makabagong panahon,” ani Tulfo.

“Ibigay natin ang deserve ng Pilipinong konsyumer: maayos na serbisyo at patas na singil sa kuryente,” pagtatapos niya.

82

Related posts

Leave a Comment