HINDI INGAY KUNDI EBIDENSYA

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

MAINIT ngayong pinag-uusapan ang alegasyon sa ghost projects ngunit mananatili itong alegasyon hangga’t walang ipinapakitang ebidensya.

Simple lang naman, kung may mga proyektong sinasabing naipatayo at na-verify, nasaan naman ang patunay na ang mga ito ay umiiral, maayos ang pagkakagawa at napakikinabangan ng taumbayan?

Lumutang ito sa Senate budget hearing nang diretsahang usisain ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon tungkol sa mga flood control project sa Taguig.

May ghost project ba?

“Wala po. Sa aming imbestigasyon, wala po,” mariing sagot ni Dizon.

Ayon naman kay DPWH Undersecretary Ricardo Bernabe III, may 107 proyekto sa Taguig na na-verify ng DPWH at lahat ay may accomplishment.

Kung ganoon, dapat ilatag ang mga dokumento.

Dapat makita ang resulta ng inspeksyon. Dapat makita ang aktuwal na kalagayan ng mga proyekto. Dapat makita kung tugma ang nasa papel sa nasa lupa.

Dahil sa ganito kalaking usapin, hindi ubra ang puro paratang.

Hindi rin pwedeng puro paliwanag.

Ebidensya ang kailangan.

Hindi biro ang magbato ng alegasyon ng ghost project. Kapag sinabing may proyektong binayaran ng gobyerno ngunit hindi naman talaga umiiral, pera ng bayan ang pinag-uusapan at pananagutan ng mga opisyal ang nakataya.

Pero kung sinasabi naman ng DPWH na may mga proyektong naipatayo at na-verify, nararapat lamang na ilabas ang mga patunay upang masuri ng publiko.

Hindi sapat na sabihing may proyekto.

Hindi rin sapat na sabihing may anomalya.

Kasama sa mga dapat busisiin ay: Ano ang proyekto? Magkano ang halaga? Magkano ang aktuwal na nagastos? Ano ang accomplishment? Kailan ito natapos? At higit sa lahat, napapakinabangan ba ito ng mga residente?

Kung may iregularidad, ilahad ang ebidensiya at panagutin ang dapat managot.

Kung walang paglabag, ipakita rin ang mga dokumentong magpapatunay kung bakit.

Walang dapat magtago sa likod ng mga salita.

Kung 107 proyekto ang sinabing na-verify ng DPWH, hindi dapat matapos ang usapan sa pagsasabing may accomplishment ang bawat isa.

Sa halip, dito pa lamang dapat magsimula ang masusing pagsusuri.

Dahil ang accomplishment sa papel ay hindi awtomatikong nangangahulugang maayos, kapaki-pakinabang at epektibo ang isang proyekto.

May kontrata. May plano. May budget. May inspection report.

Pero mayroon din dapat aktuwal na proyekto.

At kung flood control ang pinag-uusapan, may isa pang bagay na hindi dapat kaligtaan. Walang iba kundi ang baha mismo.

Dahil maaaring pagtalunan ang mga dokumento at alegasyon, ngunit ang aktuwal na epekto ng baha sa mga komunidad ay hindi madaling pagtakpan.

Kung may flood control project, dapat makita kung nakatulong ba ito sa pagbawas ng pagbaha.

Kung may drainage system, dapat malaman kung maayos ba ang daloy ng tubig.

Kung may creek o waterways na kailangang linisin at panatilihin, dapat malinaw kung sino ang may pananagutan.

Hindi sapat ang magagandang larawan ng mga natapos na proyekto. Dapat nakikita na kapag bumuhos ang malakas na ulan, ligtas ba rin ang mga residente.

Sa gitna ng kontrobersiya, sinabi rin ni Dizon na modelo ang lakeshore development ng Taguig.

Mabuting pakinggan ang ganitong pagkilala, pero hindi ibig sabihin nito na dapat nang isara ang lahat ng tanong tungkol sa mga proyekto sa lungsod.

Kung may mga proyektong gumagana, ipakita.

Kung may mga proyektong may problema, ipakita rin.

Kung may alegasyong kailangang imbestigahan, imbestigahan.

Hindi dapat gawing sandata ang kontrobersiya upang agad na hatulan ang isang lungsod o ang mga opisyal nito.

Ang kailangan ay patas na pagsusuri.

At higit sa lahat, malinaw na ebidensya.

May mga alegasyon ding inihain si Senador Panfilo “Ping” Lacson kaugnay ng ilang proyekto sa Taguig at may mga usaping naiulat na umabot na sa Office of the Ombudsman.

Kung nasa kamay na ng Ombudsman ang mga dokumento at alegasyon, panahon nang hayaan ang proseso na umusad.

Hindi dapat mauna ang hatol kaysa sa resulta ng imbestigasyon.

Kung may mapatunayang paglabag, dapat managot ang sinomang sangkot, anoman ang posisyon o pangalan.

Kung walang sapat na ebidensya, dapat ding malinaw na maipaliwanag ang resulta.

Ganito dapat ang sistema.

Hindi palakasan ng pangalan o ng koneksyon.

At lalong hindi palakasan ng boses. Dahil ang tunay na usapin ay kung paano mapoprotektahan ang pera ng bayan at kung paano matitiyak na ang bawat proyektong pinondohan ng buwis ay may tunay na pakinabang sa mamamayan.

Kaya sa 107 proyektong sinabing na-verify, ilabas ang mga patunay.

Sa bawat alegasyon, ilatag ang ebidensya.

Sa bawat iregularidad, panagutin ang may sala.

At sa bawat proyektong sinasabing natapos, ipakita hindi lamang ang accomplishment report kundi ang aktuwal na pakinabang nito sa mga taong dapat pagsilbihan.

Dahil ang pera ng bayan ay hindi dapat maging laruan ng pulitika.

79

Related posts

Leave a Comment