HINIKAYAT ni Senador Nancy Binay ang pamahalaan na tugunan muna ang problema sa kakapusan ng bakuna laban sa COVID-19 bago arestuhin ang Filipino na ayaw o bantulot magpabakuna.
Sa pahayag, sinabi ni Binay na hindi mandatory ang pagbabakuna kaya ito ang pangunahing dahilan kung bakit hindi pinayagan ipatupad ang vaccine passport.
“Number two, I don’t think na ano [vaccine hesitancy] siya. Remember may problema tayo sa supply. It’s not as if ayaw ng mga kababayan natin magpabakuna,” ayon kay Binay.
Tinukoy pa ni Binay ang ilang residente ng Maynila na nagkakampo sa labas ng vaccination site upang makakuha ng bakuna.
“So at this point, I think vaccine hesitancy is not the problem. Vaccine supply is the biggest problem so we need to arrest that,” giit niya.
Pero, aniya problema pa talaga ang pag-ayaw ng karamihan na magpabakuna na dapat tugunan din ng pamahalaan.
Nitong Lunes, sa kanyang Talk to the People ay nagbanta ang pangulo na may katapat na parusa sa hindi magpapabakuna.
“Mamili kayo, magpabakuna kayo o ipakulong ko kayo sa selda,” ang babala ni Pangulong Duterte.
“Itong mga g*go na ayaw magpabakuna, and they are really carriers and they, you know, traveling from one place to another, carrying the virus, and then contaminating other people,” ang pahayag pa ng pangulo.
Kapag nagmatigas aniya na hindi magpabakuna ay ang gamot na ‘Ivermectin”, bakuna sa baboy ang ipapabakuna niya sa mga ito.
Nauna nang binalaan ni Pangulong Duterte ang mga hayagan at lantarang lumalabag sa quarantine protocols na maaari silang managot at makasuhan ng murder kapag ang taong kanilang nakasalamuha ay nahawa ng COVID-19 at namatay. (ESTONG REYES/CHRISTIAN DALE)
149 