Half-day muna pasok sa lahat ng korte NATIONAL FAMILY WEEK IDINEKLARA NG SC

MAGPAPATUPAD ng half-day work schedule sa lahat ng korte ang Korte Suprema ngayong Lunes, Setyembre 28, bilang pakikiisa sa pag-obserba ng National Family Week at “Kainang Pamilya Mahalaga Day.”

Suspendido ang pasok sa mga tanggapan ng judiciary mula ala-una ng hapon upang mabigyan ng pagkakataon ang mga mahistrado, huwes at court personnel na makasama ang kanilang pamilya.

Ang hakbang ay alinsunod sa Proclamation No. 60, Series of 1992, na nagdeklara ng National Family Week, at Proclamation No. 326, Series of 2012, na nagtatakda sa ikaapat na Lunes ng Setyembre ng bawat taon bilang “Kainang Pamilya Mahalaga Day.”

Sa kabila ng half-day schedule, iniutos ng Korte Suprema na panatilihin ang skeletal workforce para sa mga mahahalagang frontline services at court proceedings.

Kabilang dito ang pagproseso ng applications for bail, paglalabas ng mga kautusan o orders, applications for warrants kabilang ang cyber warrants, writs of habeas corpus at writs of amparo, gayundin ang iba pang kinakailangang court activities.

Inatasan din ang lahat ng korte na tiyaking mabibigyan ng kaukulang abiso ang mga taong may kailangang transaksyon o pupunta sa korte ngayong araw.

Hinikayat ng Korte Suprema ang mga mahistrado, huwes at court personnel na samantalahin ang pagkakataon upang makasama ang kanilang mga pamilya.

(JULIET PACOT)

88

Related posts

Leave a Comment