PING KAY DIZON: KWESTYONABLENG GEOTAGGED INFO SA TAGUIG, IPALIWANAG

PINAGPAPALIWANAG ni Senador Panfilo “Ping” Lacson si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon sa umano’y salungat na impormasyon hinggil sa isang proyekto sa Taguig City na lumitaw sa mga rekord mismo ng ahensya.

Ayon kay Lacson, taliwas sa pahayag ni Dizon na walang ghost project sa Taguig City ang mga natuklasan sa DPWH site inspection reports hinggil sa isang proyektong may Contract ID 220B0106.

Binanggit ni Lacson na ang mga geotagged na litrato na kalakip ng billing reports ng proyekto ay may coordinates na nakalagay na “located approximately 600 kilometers away in Leyte Province,” bagama’t ang proyekto ay para sa Taguig City.

Ang contractor ng proyekto ay isang kumpanyang pag-aari ng pamilyang Discaya.

“Sec. Vince Dizon, please explain how this finding of your own team should not be flagged as a ghost project in Taguig. Since when has Taguig been located in Leyte?” pahayag ni Lacson.

Binigyang-diin din ni Lacson ang pagkakasangkot ng St. Timothy Construction, na pag-aari ng mga Discaya at naiugnay sa mga kontrobersyal na flood control project.

“To further highlight the red flag, Discaya’s St. Timothy ang contractor. What do you say about this, Sec?” diin ng senador.

Batay sa financial billing documents na binanggit ni Lacson, inilabas noong Hunyo 23, 2022 ang 15% advance payment na nagkakahalaga ng P13,738,755.81. Ang mga kalakip na billing photographs ay may coordinates na tumutukoy sa Tacloban City, Leyte.

Ang unang partial billing na nagkakahalaga ng P37.162 milyon ay may petsang Hulyo 27, 2022 ngunit walang kalakip na larawan.

Ang ikalawang partial billing na P19.174 milyon noong Setyembre 12, 2022 ay may mga kalakip na larawan ngunit walang coordinates, habang ang ikatlong partial billing na P21.202 milyon noong Setyembre 22, 2022 ay may kaparehong kawalan ng coordinates sa mga kalakip na larawan.

Ang ikaapat at huling billing na P18.960 milyon noong Pebrero 22, 2023 ay mayroon ding mga kalakip na larawang walang coordinates.

Napansin din ni Lacson na mismong DPWH inspection report ang nagsasaad na ang coordinates sa geotagged photographs na kalakip ng Progress Billing at Final Billing ay hindi tumutugma sa aktuwal na lokasyon ng proyekto na napatunayan sa isinagawang inspeksyon.

Noong Sabado, sinabi ni Lacson na tila salungat ang pahayag ni Dizon noong Biyernes na walang ghost projects sa Taguig City sa mga natuklasan sa sariling site inspection reports ng DPWH.

Nagpahayag din ng pakikiramay si Lacson sa mga site inspection engineer ng DPWH matapos umanong salungatin ng kanilang superior ang kanilang mga natuklasan.

Ayon kay Lacson, maaaring nakalimutan ni Dizon ang mga naturang ulat dahil sa “pressure” ng trabaho, lalo’t naipasa na umano ng DPWH sa kanyang Senate office ang mga rekord ng mga proyektong “nonexistent but reported as completed.”

Binanggit din ni Lacson ang datos mula sa DPWH report na “Analysis of Potential Similar Billing Photographs from 2017-2025 of Taguig projects using AI-Based Image Similarity Detection Approach.”

Sa 15,523 larawang isinailalim sa AI system, 1,079 pares ng larawan ang na-flag dahil sa mataas na visual similarity.

Nauna nang nagsumite sina Lacson at kanyang team sa Office of the Ombudsman ng hindi bababa sa 45 case studies na nagdedetalye sa umano’y “systemic anomalies” sa mga flood control infrastructure project sa Taguig.

(DANG SAMSON-GARCIA)

91

Related posts

Leave a Comment