PASAHERONG NAHULOG SA BARKO, MISSING

PATULOY ang search and rescue operation ng Philippine Coast Guard (PCG) para sa isang 57-anyos na pasaherong iniulat na nahulog mula sa isang pampasaherong barko sa karagatan malapit sa Isla Verde, Batangas noong Biyernes, Setyembre 25.

Batay sa PCG, kinilala ang nawawalang pasahero na si Loloi Olitres, huling nakitang nakasuot ng asul na long sleeves habang sakay ng M/V Starlite Salve Regina na biyaheng Batangas-Caticlan.

Dakong alas-7:11 ng gabi nang iulat ang insidente, tinatayang 2.21 nautical miles northwest ng Baco Chico Island sa Calapan City, Oriental Mindoro.

Agad nagsagawa ng paghahanap ang mga tauhan ng Coast Guard Station Calapan at Coast Guard Substation Isla Verde, na pinalawak noong Setyembre 26, kasama ang mga tauhan mula sa San Juan Batangas CG Station, Oriental Mindoro at Calapan City Bantay Dagat.

Gumamit na rin sa operasyon ng drift pattern projections ng Search and Rescue Optimal Planning System o SAROPS, upang matukoy ang posibleng direksyon ng pagkaanod ng nawawalang pasahero.

Kasabay nito, patuloy ang koordinasyon ng PCG sa mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensya para matukoy ang pamilya ni Olitres sa Barangay Bacuyangan, Hinoba-an, Negros Occidental.

(NILOU DEL CARMEN)

105

Related posts

Leave a Comment