TARGET ni KA REX CAYANONG
MABIGAT ang anomang alegasyon ng katiwalian, lalo na kung ang sangkot ay isang dating mataas na opisyal ng Kamara.
Kaya naman hindi dapat basta-basta balewalain ang mga paratang laban kay dating House Speaker Lord Allan Velasco.
Ngunit sa kabilang banda, hindi rin makatarungan na ang isang tao ay husgahan agad batay lamang sa mga pahayag na hindi pa napatutunayan.
Tinawag ng kampo ni Velasco na “fabricated attacks” ang mga lumutang na alegasyon laban sa dating House Speaker.
Sa pahayag ng kanyang tagapagsalita na si Atty. Rowell Ilagan, iginiit nito na walang bahid ng katiwalian si Velasco.
Binigyang-diin din ng kampo ni Velasco ang mabuting reputasyon ng asawa ng dating speaker.
Ayon kay Ilagan, may mga bahagi ng mga akusasyon na hindi raw nagtutugma sa mga beripikadong pangyayari.
Partikular nilang kinuwestiyon ang tinawag nilang “one-size-fits-all” na kuwento na ginagamit daw laban sa iba’t ibang personalidad.
Mahalagang suriin dito ang mga detalye, petsa, lugar, dokumento at iba pang ebidensiya sa halip na umasa lamang sa isang salaysay.
Kabilang sa lumutang na alegasyon ang pahayag ni dismissed policeman Rodulfo Gracioso Jr., na nagsabing nagsilbi siyang security officer ni Velasco.
Ayon sa kanyang pahayag, nagdala lang daw siya ng mga maleta ng pera sa mga tanggapan na may kaugnayan kina Vice President Sara Duterte, dating Pangulong Rodrigo Duterte at Davao City 1st District Representative Paolo Duterte.
Mabigat ang ganitong paratang dahil maaari itong magkaroon ng malaking epekto sa reputasyon ng mga taong binanggit.
Gaya ng anomang reklamo o alegasyon, ang mahalaga ay magkaroon ng patas na imbestigasyon at pagkakataon para sa bawat panig na magsalita at magharap ng ebidensya.
Hindi sapat ang malalakas na salita para patunayan ang isang akusasyon.
Hindi rin sapat ang simpleng pagtanggi para tuluyang maisantabi ang isang paratang.
Kaya naman sa huli, ang dapat manaig ay ang ebidensya, tamang proseso at katotohanang mapatutunayan—hindi ang ingay ng politika o ang bigat ng pangalan ng sinomang sangkot.
88 