IPINAG-UTOS ng Malacañang ang pagpapatupad ng naaangkop na alternative work arrangements sa mga tanggapan ng gobyerno at alternative learning modes at learning continuity measures sa mga pampubliko at pribadong paaralan bukas, Huwebes, Agosto 20, bilang paghahanda sa inaasahang patuloy na malakas na pag-ulan dulot ng habagat.
Nakasaad sa Memorandum Circular No. 131 na nilagdaan ni Executive Secretary Ralph G. Recto, sa pahintulot ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ang hakbang ay alinsunod sa rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) dahil sa banta ng localized flooding at mga panganib sa paglalakbay dulot ng patuloy na pag-ulan.
Ipatutupad ang alternative work arrangements at alternative learning modes sa National Capital Region (NCR) at 17 lalawigan, kabilang ang Abra, Benguet, Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac, Zambales, Batangas, Cavite, Laguna, Rizal at Occidental Mindoro.
Hindi saklaw ng alternative work arrangements ang mga ahensyang nagbibigay ng basic at health services, gayundin ang mga tanggapan na may tungkulin sa paghahanda at pagtugon sa mga sakuna at kalamidad.
Ang mga Contract of Service (COS) at Job Order (JO) workers na ilalagay sa alternative work arrangements ay patuloy na tatanggap ng kaukulang sahod o bayad, alinsunod sa umiiral na mga patakaran at regulasyon.
Ipinauubaya naman ng Malacañang sa mga local chief executive ang pagpapasya kung kinakailangang suspendihin ang pasok sa kanilang mga nasasakupan na hindi kabilang sa memorandum circular.
Nasa diskresyon naman ng pamunuan ng mga pribadong kumpanya ang pagdedeklara ng suspensyon sa trabaho o pag-adopt ng alternative work arrangements.
Agad na ipatutupad ang naturang memorandum circular.
Muling pinaalalahanan ng Malacañang ang publiko na mag-ingat at patuloy na subaybayan ang mga abiso ng mga kinauukulang awtoridad.
(CHRISTIAN DALE)
58 