HINDI humingi ng paumanhin si Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa mga gurong umalma sa kanyang pahayag na may ilang guro umanong nagtuturo sa mga estudyante kung paano maging “walang modo.”
Ginawa ni Castro ang pahayag matapos ang insidente ng pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University (AdZU) Junior High School campus, kung saan binigyang-diin niya ang papel ng mga magulang at guro sa paggabay sa mga kabataan.
Ayon kay Castro, wala siyang sinisising mga guro at ang kanyang pahayag ay paalala lamang sa mahalagang papel ng mga ito bilang “pangalawang magulang” ng mga estudyante.
“Hindi tayo puwede rito magkaroon ng sorry for the word, ayaw kong magkaroon ng additional na pang-iintriga dito dahil muli gusto kong linawin, naiintindihan ko po kung saan nanggagaling iyong mga guro at wala po tayong sinabi na sila ang dapat sisihin,” ani Castro.
Nauna nang sinabi ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) na nakaiinsulto at nakapagpapababa ng morale ng mga guro ang pahayag ni Castro.
Gayunman, sinabi niyang kinikilala niya ang sama ng loob ng mga gurong nakaramdam ng pagkakasakit sa kanyang mga pahayag.
“Never po ako nanisi ng guro, maliwanag po iyong sinabi natin,” ani Castro.
Hiniling niya sa ACT Teachers Party-list na ilagay sa tamang konteksto ang kanyang mga naging pahayag at iginiit na hindi ito pag-atake sa mga guro.
Hinamon naman ni Castro ang ACT Teachers Party-list na ipakita kung ano ang mga hakbang na maaaring gawin upang mapalakas ang pagtuturo ng wastong asal sa mga kabataan, lalo na sa mga pagkakataong may gurong nagpakita umano ng maling pag-uugali.
(CHRISTIAN DALE)
83 