ANCAJAS MAGDIDIKTA NG LABAN

(NI EM RUBIN)

HINDI magmamadali si IBF Super Flyweight World Champion Jerwin Ancajas sa kanyang pakikipagsagupa kay Miguel Gonzalez ng Chile sa Disyembre 7 sa Puebla, Mexico.

“Pag-aaralan po muna niya sa early rounds po, katulad sa mga ginagawa niya lagi,” ayon sa trainer at manager ni Ancajas na si Joven Jimenez sa isang text message mula sa California.

“Hindi po siya magmamadali pero siya agad ang magdidikta simula round 1,” paliwanag nito.

Dagdag ni Jimenez, handa si ‘Pretty Boy’ na lumaban ng 12 rounds sa ikawalong pagdepensa niya ng kanyang 118-pound na titulo, na pagmamay-ari nito noon pang 2016.

“Hindi po namin pinaplanong pabagsakin ang kalaban. 12 rounds po ang plano namin palagi, pero kung may pagkakataon, papasukin ni Jerwin ang kalaban,” ani Jimenez.

“Nakita po namin may lakas ang kalaban. Kaya hindi po basta-basta pababagsakin.”

Wala naman nakikitang problema si Jimenez sa pagkuha ng timbang ng 27-anyos na Pinoy champion, na dapat ay noon pang Nobyembre 2 lumaban kontra Jonathan Rodriguez ng Mexico.

Sa ngayon aniya, tumitimbang ng 122 pounds ang pambato ng Panabo City. Nasa tapering stage na si Ancajas, at light sparring na lamang ang ginagawa.

Ayon pa kay Jimenez, Disyembre 1 sila tutungo sa Mexico, ilang araw bago ang laban.

240

Related posts

Leave a Comment