IGINIIT ni Marikina 2nd District Rep. Miro Quimbo, asawa ni dating House Committee on Appropriations chairperson Stella Quimbo, na walang masama sa flood control projects at dapat patuloy itong pondohan ng gobyerno upang maiwasan ang malawakang pagbaha.
“Sa maiksing salita, flood control by itself is not necessarily bad. But it is how you implement it,” pahayag ni Quimbo sa isang ambush interview.
Aniya, isa sa mga aral mula sa mga nakalipas na pagbaha sa iba’t ibang bahagi ng bansa ay ang pangangailangang ipagpatuloy ang paglalaan ng pondo para sa flood control projects.
“So, ‘yan ang lesson natin dito, is we need to keep funding flood control,” dagdag niya.
Sinabi rin ni Quimbo na walang mali sa mga insertion sa pambansang budget dahil bahagi umano ito ng proseso ng pagbuo ng budget.
Gayunman, aniya, kailangang maging transparent at ilantad kung sino ang naglagay ng mga naturang insertion.
Si Stella Quimbo ay nagsilbing chairperson ng House Committee on Appropriations at naging bahagi ng tinatawag na “small committee,” kung saan iniulat na isinagawa ang umano’y mga insertion sa 2025 national budget na may kaugnayan sa mga kwestiyonableng flood control projects.
Hanggang ngayon, hindi pa rin inilalabas ang kumpletong detalye ng umano’y mga insertion na naganap sa small committee.
Kamakailan, inakusahan si Stella Quimbo ng dalawang dating Marines na nagsilbing tauhan ni dating House Speaker Martin Romualdez na tumanggap umano ng ilang maletang naglalaman ng pera mula sa kickback sa flood control projects.
Ayon kina Belnard Tube at Benny Bulontate, nagdala umano sila ng pera sa bahay ni Quimbo.
Bilang suporta sa kanilang alegasyon, nagpakita ang dalawa ng mga larawan ng walong malalaking maleta at isang maliit na maleta na umano’y inihatid sa bahay ni Quimbo.
Ayon sa kanilang pahayag, naglalaman umano ang bawat malaking maleta ng P50 milyon hanggang P70 milyon, habang nasa P15 milyon hanggang P25 milyon naman ang laman ng maliit na maleta.
73 