UMABOT na sa P1.939 trillion ang ginastos ng pamahalaan sa flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH) mula 2011 hanggang 2025, ngunit patuloy pa rin ang malawakang pagbaha sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ayon kay Senador Panfilo “Ping” Lacson, lumilitaw na hindi pa rin sapat ang naging resulta ng napakalaking pondong inilaan para sa flood management.
Inilabas ni Lacson ang pahayag kasunod ng malawakang pagbaha sa Metro Manila dulot ng malakas na pag-ulan at Habagat.
Binanggit ng senador ang datos ng DPWH flood management spending sa ilalim ng Aquino, Duterte at Marcos administrations mula 2011 hanggang 2025.
Kapansin-pansin umano na mula 2018 ay lumampas na sa P100 bilyon ang taunang pondo para sa flood control, habang pinakamalaki ang inilaan noong 2025 na umabot sa P372.814 bilyon.
Batay sa datos ni Lacson, P11.323 bilyon ang flood control budget noong 2011; P10.816 bilyon noong 2012; P15.817 bilyon noong 2013; P30.001 bilyon noong 2014; P47.849 bilyon noong 2015; P67.740 bilyon noong 2016; at P81.223 bilyon noong 2017.
Pagsapit ng 2018, umabot ito sa P139.001 bilyon; P126.062 bilyon noong 2019; P116.047 bilyon noong 2020; P140.462 bilyon noong 2021; P145.622 bilyon noong 2022; P287.018 bilyon noong 2023; P346.771 bilyon noong 2024; at P372.814 bilyon noong 2025.
Kung susumahin, sinabi ni Lacson na katumbas ito ng humigit-kumulang P350 milyon na ginagastos ng pamahalaan kada araw para sa flood management sa loob ng 15 taon.
Sa kabila ng napakalaking pondong inilaan, nananatili umano ang problema sa baha sa maraming bahagi ng bansa.
(DANG SAMSON-GARCIA)
73 