ASEAN HINIMOK NG JTI NA PALAKASIN KOOPERASYON KONTRA TOBACCO SMUGGLING

HINIMOK ng Japan Tobacco International (JTI) ang mga bansang miyembro ng ASEAN na palakasin ang kooperasyon laban sa tobacco smuggling, dahil sinasamantala umano ng mga illicit trader ang magkakaibang enforcement policies sa rehiyon at lalong ginagawang pangunahing destinasyon ng kontrabando ang Pilipinas.

Ayon kay Valentin Dinca, regional director ng JTI para sa Anti-Illicit Trade Operations, kailangan ang “harmonized export controls” o pagkakatugma ng mga patakaran sa pag-export sa ASEAN, gayundin ang mas maigting na customs coordination, intelligence sharing at cargo verification.

“The Philippines is highly vulnerable. The Philippines is a primary destination market,” ani Dinca sa isang press briefing sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Batay sa pag-aaral ng EU-ASEAN Business Council at Euromonitor International, mahigit isa sa bawat apat na sigarilyong naibenta sa Pilipinas noong 2025 ay ilegal, habang mahigit apat sa bawat limang e-vape ay umano’y illegal din.

Sa ASEAN-6, tinatayang 145 bilyong illicit cigarettes at e-vape ang naibenta sa nakalipas na dalawang taon, na nagresulta sa $13.1 bilyong nawawalang kita ng mga pamahalaan.

Para sa Pilipinas lamang, tinatayang $2.5 bilyon o humigit-kumulang P141 bilyon ang nawalang kita ng gobyerno dahil sa illicit cigarettes at vape noong 2024 at 2025.

Samantala, suportado rin ng JTI ang panukala ng Department of Finance (DOF) na pag-isahin ang excise tax sa mga e-liquid upang maisara ang loophole na ginagamit umano sa technical smuggling.

Iminumungkahi ng DOF ang unified excise tax na P72.90 sa mga vape product, bukod sa P150 excise tax sa bawat vape device at novel tobacco product.

Nagbabala naman si Dinca na maaaring lumakas ang black market kung hindi sasabayan ng mahigpit na enforcement ang anumang pagtaas ng buwis.

Iginiit niya na kailangan ang mas malawak na regional cooperation dahil sinasamantala ng mga smuggling network ang gaps sa enforcement sa pagitan ng mga bansa.

(TINA MENDOZA)

55

Related posts

Leave a Comment