BINIGYANG-DIIN ng Malakanyang na walang basehan ang asylum application ni dating presidential spokesperson Atty. Harry Roque at iginiit na hindi political persecution ang mga kasong kinakaharap nito.
Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, suportado ng ebidensiya ang mga kasong isinampa laban kay Roque.
Nauna rito, iniulat ni DILG Secretary Jonvic Remulla na tinanggihan na ang asylum application ni Roque matapos ang limang buwang proseso. Hindi naman tinukoy ni Remulla kung anong bansa ang nagbasura sa kahilingan nito.
Sinabi ni Remulla na hihintayin muna ang mga kinakailangang proseso at kung magkakaroon ng Red Notice mula sa International Criminal Police Organization (Interpol) laban kay Roque, handa umano siyang tumulong sa pagpapabalik nito sa Pilipinas.
Samantala, sinabi ni Castro na hindi pa niya nakakausap si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. tungkol sa usapin, ngunit pinanindigan niyang hindi politically motivated ang criminal cases laban kay Roque.
“Wala pong batayan ang ginawang request ni Harry Roque na sinasabing political persecution lang ang ginagawa sa kanya,” ani Castro.
“Maliwanag naman po ang kaso, hindi lang qualified human trafficking, mayroon pa atang nakabanta na kaso patungkol sa land grabbing at patungkol din po ata sa tax evasion. So, hindi po ito patungkol sa political persecution, records ang nagsasalita dito. Ebidensiya ang nagsusumigaw,” dagdag niya.
Nauna nang kinumpirma ni Roque noong Nobyembre 2025 na nag-apply siya ng asylum sa Netherlands noong Marso ng parehong taon. Iniulat na ini-refer ang kanyang aplikasyon sa Austria dahil doon siya nabigyan ng visa.
Nahaharap si Roque sa kasong qualified human trafficking kaugnay ng POGO firm na Lucky South 99. Ayon sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), hiniling na rin ng pamahalaan sa Interpol ang pag-isyu ng Red Notice laban sa dating opisyal.
(CHRISTIAN DALE)
79 