PARA sa Malakanyang, mapayapa at maayos ang idinaos na parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) nitong Lunes, Setyembre 14, 2026, sa kabila ng ilang insidente ng karahasan na nagresulta sa pagkasawi at pagkasugat ng ilang indibidwal.
Tinukoy ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro ang initial assessments mula sa Philippine National Police (PNP) at Commission on Elections (Comelec) kasunod ng unang parliamentary elections sa rehiyon.
“The Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao Parliamentary Election conducted on Sept. 14, 2026 was generally peaceful and orderly despite some isolated incidents, particularly in Cotabato City,” ani Castro, batay sa ulat ng PNP.
Batay sa inisyal na datos, umabot umano sa 82.41% ang voter turnout sa BARMM at maaari pa itong tumaas habang nagpapatuloy ang consolidation ng resulta.
Mas mataas ito ng 4.79 percentage points kumpara sa 77.62% voter turnout na naitala sa BARMM noong Mayo 2025.
Tinukoy din ni Castro ang assessment ng Comelec na mataas ang voter turnout, dahilan upang maisagawa ang mga kinakailangang proseso para sa posibleng proklamasyon ng mga nanalo.
Sa kabila nito, sinabi ni Castro na hindi palalampasin ng administrasyon ang mga insidente ng karahasan sa halalan, kahit na generally peaceful and orderly ang kabuuang assessment ng PNP.
“Although hindi nanaisin ng Pangulo at ng administrasyon na mayroon pong nangyayaring karahasan at ito naman po ang ipinag-uutos ng Pangulo na bantayan mabuti, protektahan ang ating mga kababayan sa mga ganitong klaseng insidente,” aniya.
“But nag-report na po ang PNP. According to PNP, generally peaceful and orderly po iyong naganap na eleksyon. So, sa pananaw po ng administrasyon ay naging maganda naman po ang naging eleksyon kahapon sa BARMM,” dagdag ni Castro.
Gayunman, sinabi ni Castro na hindi ikinasaya ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga napaulat na insidente ng karahasan at pagkasawi sa halalan.
“Kahit isang tao lang po ang nasaktan, hindi po ikasasaya ng Pangulo,” aniya.
“Kahit sabihin po natin generally peaceful and orderly iyong nangyaring eleksyon kahapon, basta po mayroong kahit isa na nasaktan, hindi po magiging maganda ang pakiramdam ninuman, lalung-lalo na ng Pangulo,” dagdag pa ni Castro.
(CHRISTIAN DALE)
123 