PUNTO DE BISTA ni BAMBI PURISIMA
LINTIK, itigil na ‘yang ingay na sa China ang WPS o SCS, kasi sa atin nga ito at nasasakop pa ng ating exclusive economic zone (EEZ), ayon sa desisyon ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague, Netherlands noong 2016.
Kahit na sinasabi ng The Hague Court na atin ang WPS, panay ang pag-angkin ng China, at lagi tayong binabardagol, kung sa tao, nambabraso, nandadarag sa isang maliit na tao.
E, bakit nga ba L na L at gigil na gigil ang China sa alindog ng WPS natin?
Iisa ang maiisip na itawag dito, sakim, gahaman, ganid o mandarambong kung tao ang China, e kay lawak na ng lupa at dagat nito, at napakayaman sa maraming mineral, bakal, tanso, ginto at iba pang yamang dagat at yamang mina sa ibabaw at ilalim ng lupa, heto at ang kokonti na atin, inaagaw pa.
Ang gahaman ay laging pakiramdam ay ninanakawan, at iyan ang ginagawa ng China, mantakin mong nasa loob na ng ating teritoryo, inaangkin pa ang nasa ating bibig na.
“Sea grabber” at iskwater itong China na gusto pang dagdagan ang pitong (7) military and naval base na sakop ng ating WPS.
E, bakit nga gigil na gigil, naglalaway sa kasibaan ang China sa pagkontrol sa WPS, at kita natin ang intensiyon nito, ito ay upang mas palawakin pa ang sakop at kontrol nito sa ating rehiyon sa dagat ng Asia-Pacific.
Nais ng China na kontrolin ang pagpasok at paglabas ng mga barkong komersyal at militar sa karagatang ginagamit sa kalakalan ng mga bansa sa buong South East Asia.
Kumbaga sa North Expressway, kailangan bago ka makapasok, magbayad ka ng toll fee o kung wala kang pambayad, no way, sa ibang ruta ka dumaan.
Kumbaga sa gripo, gusto ng China, siya ang may hawak at may kontrol kung kailan bubuksan ang suplay ng tubig, at kung gaano karami ang tubig na makukuha sa gripo.
Kung hawak ng China ang gripo, hawak niya ang buhay at kamatayan ng mga bansang tatanggi na magbayad sa suplay ng tubig.
Isa pang malaking dahilan kaya gahamang-gahaman ang China sa SCS o WPS, kasi sa ilalim ng karagatang ito, nakaimbak ang bilyon-bilyong bariles na mina ng langis at natural gas.
Ayon sa pag-aaral ng mga eksperto, mahigit sa 11 bilyong bariles ng langis at 5.4 trilyong kubiko metrong natural gas ang nasa ating WPS.
Imbes na ligawan tayo, kung sa babae, ang gusto ng Beijing ay gahasain, i-rape ang magandang binibining Perlas ng Silangan.
Paano mo mamahalin ang lalaking manliligaw kung ang intensyon ay hindi ka mahalin kundi ang ikaw ay pagsamantalahan lamang, at ito ang ipinakikitang intensiyon ng China sa buong mundo.
Ang reyalidad, sa kabila ng matayog na pag-angat ng ekonomya at lakas militar ng China, kapos ito na mapakain ang mahigit sa 2 bilyong populasyon nito sa Mainland China at hihigit pa rito kung isasama ang HK at Taiwan.
Kailangan nitong mag-import ng pagkain at iba pang kailangan sa Mainland, kaya ang karagatang atin ay inaangkin at kinakanyon ng tubig, binabangga at hina-harass ng China ang ating mangingisdang Pinoy.
Kung sa batang Pinoy na payat, ang isusubong isda at kanin ay pwersahang inaagaw pa sa bibig nito ng mala-buldog na laki na batang Chinese.
Ganyan ang larawan at karikaturang makikita kung ipipinta sa canvas ang pangdadarag ng gahamang China!
Gusto ng China na palawakin ang kanilang fishing operation mula sa Pilipinas, tagos sa Taiwan at Vietnam kasi, mahigit sa 15 milyong tonelada ng isda ang kailangang anihin sa SCS upang mapakain ang mahigit sa 2 bilyong tao nito sa Mainland.
Hindi lang pagkaing mula sa karagatan ang nais ng China, nais nito na maging super naval power sa mundo — na imposibleng mangyari.
Hindi papayag ang Indonesia, Vietnam, Taiwan at Japan na kalapit sa South East Asia.
Lalo na ang US na ang paninindigan, kailangang bukas ang SCS sa international navigation o malayang paglalayag para sa pagpasok at paglabas ng mga barkong komersiyal.
Hindi papayag ang US, Japan, Indonesia, Taiwan at Vietnam na kontrolin ng Beijing ang dagat Pasipiko.
‘Di iginagalang ng bastos na China ang prinsipyo ng freedom of navigation sa lahat ng bansa sa mundo.
Hindi tayo papayag, dahil atin, hindi sa China ang West Philippine Sea!
Atin ang WPS!
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon, sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com
