AUTHOR NG LIBRONG ‘LEAVE NOBODY HUNGRY’ BIKTIMA NG ONLINE SCAM

NANAWAGAN ang book author na si Virgie Rodriguez sa mga government agency na maging maingat dahil ginagamit ng mga sindikato ang logo ng kanyang foundation sa pamemeke at paninira ng pangalan at reputasyon ng mga inosenteng tao para mangikil.

Nagsampa na rin ng reklamo si Rodriguez, author ng librong Leave Nobody Hungry, sa National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police at maging sa tanggapan ni Pangulong Bongbong Marcos (PBBM).

Ayon kay Rodriguez, presidente at chairperson ng Leave Nobody Hungry Foundation Inc., kinikikilan umano siya ng P50 milyon ng sindikato at tinakot na kapag hindi ito nagbigay ay may masama umanong mangyayari sa kanya at kanyang pamilya.

Sinabi ni Rodriguez, nakatanggap siya ng mga message at electronic voice calls mula sa iba’t ibang dummy account sa social media na nananakot sa kanya.

Tinukoy ni Rodriguez ang umano’y tatlong dummy account na ginagamit ng sindikato.

Nagpapakilala aniya ang tatlong pekeng account na konektado sa kanyang foundation at humihingi ng donasyon sa iba’t ibang indibidwal at sinisiraan pa siya.

Ani Rodriguez, hindi nila gawain ang manghingi sa halip ay puro pagtulong at pagbibigay ng ayuda ang kanilang ginagawa mula mismo sa kanilang sariling pondo.

Sinabi rin ni Rodriguez na nais sirain ng mga pekeng account ang magandang reputasyon at pangalan niya at ng Leave Nobody Hungry Foundation Inc.

48

Related posts

Leave a Comment