APAT na dating rebelde sa Albay ang nakatanggap ng Certificates of Land Ownership Award (CLOAs) mula sa Department of Agrarian Reform (DAR), isang mahalagang hakbang upang muling makapagsimula at makabalik sa payapang pamumuhay sa ilalim ng Executive Order No. 103 (1986) o National Reconciliation and Development Program (NRDP), ayon sa Department of Agrarian Reform (DAR).
Naniniwala si DAR Assistant Regional Director for Operations Gay L. Labad, higit pa sa simpleng programa ng pamahalaan ang pagkakaloob ng titulo ng lupa dahil nagbibigay ito ng katiyakan sa pagmamay-ari ng lupa at oportunidad sa kabuhayan na tumutulong sa mga dating rebelde na makaiwas sa sigalot at maging produktibong bahagi ng kanilang komunidad. Malaki rin ang ambag nito sa pangmatagalang kaayusan at kaunlaran sa kanayunan.
“Huwag kalimutan alagaan ang lupa. Pagyamanin at ipamana sa inyong mga anak,” ani Labad.
Kaugnay nito, binigyang-diin ni DAR Secretary Conrado Estrella III na mahalaga ang repormang agraryo sa pagpapanatili ng kapayapaan sa mga pamayanang rural. Aniya, sa pamamagitan ng pagbibigay ng lupa at mga suportang serbisyo, nagkakaroon ng marangal na kabuhayan ang mga benepisyaryo at nagiging katuwang sa pag-unlad ng bansa.
Sinabi ni DAR Provincial Agrarian Reform Program Officer Augusto S.A. Medina Jr., tumanggap ang mga benepisyaryo ng kani-kanilang titulo ng lupa na may kabuuang lawak na 2.48 ektarya sa Legazpi City, bilang pormal na pagkilala sa kanila bilang Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs).
Nabatid na sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP), hindi lamang lupang sakahan ang ibinibigay sa mga kwalipikadong dating rebelde kundi pati mga suportang programa tulad ng farm inputs, teknikal na pagsasanay, at capacity-building upang matulungan silang magkaroon ng matatag na kabuhayan at ganap na makabalik sa lipunan.
Kaugnay nito, ipinaliwanag ni DAR Municipal Agrarian Reform Program Officer Fatima Pamplona, na naging available ang lupa matapos itong boluntaryong ialok ng may-ari sa pamahalaan sa ilalim ng Voluntary Offer to Sell (VOS) scheme upang maipamahagi sa mga magsasakang walang sariling lupa. Kalaunan ay isinailalim ito sa NRDP na layong tulungan ang mga benepisyaryo na magkaroon ng matatag na pamayanang pansakahan at makalikha ng payapa at produktibong kapaligiran sa mga lugar na dating apektado ng sigalot. Ang pagpili sa mga tumanggap ng lupa ay isinagawa alinsunod sa Administrative Order No. 9, series of 1995, upang matiyak na sila ay walang lupang sinasaka, may kakayahang magsaka, at residente ng lugar.
(PAOLO SANTOS)
54 