(NI BERNARD TAGUINOD)
KAHIT matalino ang isang estudyante kung walang modo sa kapwa tao lalo na sa mga matatanda ay hindi ito gagraduate.
Ito ang nabatid kay House Speaker Alan Peter Cayetano hinggil sa kanilang panukalang batas na ibalik sa eskuwelahan ang Good Manners and Right Conduct (GMRC).
Sa ambush interview kay Cayetano na isa mga may-akda sa nasabing panukala at inaprubahan na sa House committee on basic education na pinaumunuan ni Pasig Rep. Roman Romulo, bibigyan ng grado ang mga estudyante sa GMRC.
“Meron nang good morals and right conduct sa Araling Panlipunan, meron sa Math, ‘yung hinalo-halo daw nila. Ang problema, walang grade. E kasi hindi siya sariling subject, so, what happened to one whole generation?,” ani Cayetano.
“So, you have a generation na napakatatalino, at valedictorian pa, pero kung masama naman ugali or hindi naman… walang respeto sa nakakatanda, ‘yung hindi alam ‘yung traiditional Filipino values, pumapasa pa rin,” dagdag pa nito.
Dahil dito, magiging hiwalay na subject na ang gagawin sa GMRC at bibigyan ng grado ang mga estudyante at kailangang maipasa nila ito dahil kung hindi babagsak ang mga ito kahit naipasa ang lahat ng subject.
“Unlike nung time na merong subject na good morals and right conduct, ang nangyayari du’n, kahit number 1 ka, kahit 100 ka sa lahat ng subjects, kung bagsak ka sa subject ng GMRC, bagsak ka,” ayon pa sa House leader.
Ituturo ang GMRC sa mga estudyante mula Kindergarten hanggang Grade 3 base sa inaprubahan panukala sa nasabing komite subalit maaaring mapalawak pa ito kapag may mag-mosyon sa plenaryo na ituro ito hanggang kolehiyo.
Nakatakda pa lamang gagawa ng committee report si Romulo sa nasabing panukala bago isalang sa plenary debate para sa ikalawa at ikatlong pagbasa.
“So, we want to reemphasize that learning in basic ed is not only intellectual, hindi lang academic, ‘yung spiritual, ‘yung emotional, nandiyan ‘yan,” ayon pa kay Cayetano.
