IKINALUGOD ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang mga ulat na sinusuri ng mga pederal na awtoridad sa Estados Unidos ang posibleng pagkakasangkot ng ilang mamamayan at organisasyong Amerikano sa pagsuporta sa komunistang insurhensiya sa Pilipinas.
Naglabas ng pahayag ang NTF-ELCAC kasunod ng isiniwalat ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) hinggil sa umano’y pagtatanong ng Federal Bureau of Investigation (FBI) sa pamilya ng isang aktibistang Amerikano na nakakulong sa Pilipinas.
Ayon sa NDFP, sinabi ni Anakbayan activist Gabe Pasion sa isang press conference sa Baltimore na inorganisa ng International Coalition for Human Rights in the Philippines (ICHRP), na paulit-ulit umanong nakatanggap ng tawag at pagbisita sa kanilang tahanan ang kanyang pamilya mula sa mga tauhan ng FBI at US Embassy sa Maynila.
Nagsagawa rin umano ng pagtatanong sa pinagtatrabahuhan ng kanyang mga kapamilya.
Dinakip noong Hulyo ang kapatid niyang si Christina kasunod ng pagsalakay sa isang pinaghihinalaang taguan ng mga komunista sa Laguna.
Ayon kay NTF-ELCAC spokesperson Liza Fidelis Cañada, hindi dapat ikagulat ang imbestigasyon ng mga awtoridad ng Amerika kung may mamamayan silang nasasangkot sa pagsuporta sa isang itinalagang foreign terrorist organization gaya ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA).
Itinalaga ng US Department of State ang CPP-NPA bilang Foreign Terrorist Organization noong Agosto 9, 2002. Samantala, itinalaga rin ng Anti-Terrorism Council ng Pilipinas ang CPP-NPA noong 2020 at ang NDF noong 2021 sa ilalim ng Republic Act No. 11479 o Anti-Terrorism Act.
Sa ilalim ng Section 2339B ng Title 18 ng United States Code, isang pederal na krimen ang sadyang pagbibigay ng materyal na suporta o resources sa isang organisasyong itinalagang Foreign Terrorist Organization.
May kaparusahan din ito sa ilalim ng batas ng Amerika, na nagtatakda ng hurisdiksyon sa ilang partikular na sitwasyon.
(JESSE RUIZ)
16 