HINIKAYAT ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso ang mga American at iba pang dayuhang mamumuhunan na magnegosyo sa Maynila, kasabay ng pangakong walang ipatutupad na taas-buwis sa mga negosyo at mas pasimpleng proseso sa pagkuha ng mga permit.
Inihayag ito ng alkalde sa courtesy call ng delegasyon ng American Chamber of Commerce of the Philippines (AmCham Philippines) sa Manila City Hall nitong Huwebes, Nobyembre 5.
Ayon kay Domagoso, nakatuon ang kanyang administrasyon sa pagpapanatiling mababa ng gastos sa pagnenegosyo, pagpapasimple ng mga regulasyon at pagbibigay ng maaasahang business environment sa mga mamumuhunan.
Binigyang-diin niya ang tatlong pangunahing direksyon ng kanyang pamamahala: pagtugon sa Minimum Basic Needs (MBN), paglikha ng mas maraming oportunidad sa negosyo at pagpapanatili ng malinaw at tiyak na mga patakaran.
Iginiit din ng alkalde ang kahalagahan ng transparency at accountability sa mga transaksyon ng pamahalaan.
“Kapag nagbayad ka ng isang piso, makakakuha ka ng resibo na isang piso,” ani Domagoso.
Bilang bahagi ng pagpapasimple sa pagnenegosyo, binawasan din ng lungsod ang zoning requirements mula 22 tungo sa pito.
“Palagi kayong welcome na magnegosyo sa Maynila. Mura ang magnegosyo sa Maynila. Hindi kami magtataas ng buwis,” dagdag ng alkalde.
Samantala, sinabi ni AmCham Philippines Executive Director Ebb Hinchliffe na higit pa sa kanilang inaasahan ang naging pagpupulong at kumpiyansa na siyang irekomenda ang Maynila sa mga American at iba pang dayuhang mamumuhunan.
Ayon kay Hinchliffe, malinaw na nailahad ni Domagoso ang mga dahilan kung bakit bukas sa negosyo ang Maynila.
Ang AmCham Philippines ay may mahigit 900 miyembro sa buong bansa na kumakatawan sa iba’t ibang kumpanyang Amerikano at multinational na nagpapatakbo ng negosyo sa Pilipinas.
(JOCELYN DOMENDEN)
14 