NGAYONG aprubado na ng Securities and Exchange Commission ang Initial Public Offering (IPO) ng Mynt, Inc. ay pwede nang mag-invest sa GCash ang sinomang ordinaryong Pilipino sa pamamagitan ng pagbili ng “share of stocks” ng higanteng mobile wallet.
Para sa maraming Pinoy, ang salitang “stocks” ay parang pang-mayaman, pang-negosyante o pang-expert lang sa pera.
Pero pwedeng magbago ang ganitong pananaw ngayong tuloy na ang planong IPO ng GCash, dahil maaari nitong ilapit sa mas maraming pangkaraniwang mamamayan ang konsepto ng pag-iinvest sa stocks at pagiging bahagi ng isang negosyo.
Sa madaling salita, ang IPO o initial public offering ay ang unang pagkakataon na iniaalok sa publiko ang shares o bahagi ng pagmamay-ari ng isang pribadong kumpanya.
Sa kaso ng GCash, ang planong paglista ng Mynt, ang kumpanyang nasa likod ng higanteng mobile wallet, ay hindi lang tungkol sa pagiging bagong pangalan sa stock market.
Maaari rin itong maging daan para mas maraming Pinoy ang maging interesado at matutong mag-invest sa stocks.
Sa ngayon, milyon-milyong Pilipino ang gumagamit ng GCash para sa mga bagay na bahagi na ng kanilang araw-araw na buhay – pagpapadala ng pera, pagbabayad ng bills, pag-iipon, pangungutang at pag-access sa iba’t ibang serbisyong pinansyal.
Ngayong matutuloy na ang IPO sa susunod na buwan ay may posibilidad na lumawak pa ang papel ng GCash sa buhay pinansyal ng mga Pinoy – mula sa pagiging simpleng gumagamit ng App tungo sa pagiging potensyal na investor at shareholder, o kasosyo.
Ibig sabihin, ang isang tao na sanay gumamit ng GCash ay maaari ring matutong bumili ng shares at magkaroon ng maliit na bahagi, o puhunan, sa isang kumpanyang pinagkakatiwalaan niya – depende, siyempre, sa mga kondisyon ng IPO at sa kanyang sariling desisyon bilang mamumuhunan.
Dito nagiging mas madaling maintindihan ang ideya ng “capital market,” o ang pamilihan kung saan nakakakuha ng puhunan ang mga kumpanya at kung saan maaaring makilahok ang mga investor sa pamamagitan ng pagbili ng shares.
Sa mas simpleng salita, ang negosyo ay nakakakuha ng dagdag na puhunan, habang ang investor naman ay nagkakaroon ng pagkakataong magkaroon ng bahagi sa negosyo.
Ayon sa pamunuan ng GCash, mahalaga ang tamang kaalaman bago bumili ng stocks – lalo na sa mga taong ngayon pa lamang nakikilala ang mundo ng stock market. Na ang ibig sabihin ay hindi rin naman kailangang isipin agad na malaki ang kinakailangang pera para matutong mag-invest.
Mas mahalaga ang pag-unawa kung paano gumagana ang stocks, ano ang mga panganib, at kung kaya ng isang tao ang posibleng pagtaas at pagbaba ng halaga ng kanyang investment.
Kung mas maraming ordinaryong Pilipino ang magiging interesado sa stock market, maaari rin nitong mapalawak ang partisipasyon ng publiko sa Philippine capital market.
Sa ganitong pananaw, ang kahalagahan ng GCash IPO ay maaaring hindi lamang tungkol sa mismong pag-lista ng kumpanya sa stock market.
Maaari rin itong maging pagkakataon para mas maraming Pinoy ang makalipat mula sa pagiging financial-service users tungo sa pagiging mas maalam na savers, investors at potensyal na shareholders.
Sa madaling salita, kung ang GCash ay nakatulong na gawing mas madali para sa Pinoy ang paggamit ng digital financial services, maaari ring maging daan ang IPO para mas mapalapit sa ordinaryong Pilipino ang dating tila komplikadong mundo ng pag-iinvest sa stocks.
At dito ay maaaring higit na maiuugnay ang kwento ng IPO: Mula sa simpleng pag-GCash, pwedeng matuto ang Pinoy na mag-isip hindi lang bilang consumer, kundi bilang potensyal na investor at kasosyo ng isang negosyo.
77 