CLICKBAIT ni JO BARLIZO
PARANG nalalaos na teleserye na ang nangyari sa kontrobersyal na raid ng PNP-HPG sa isang warehouse sa Sta. Maria, Bulacan noong nakaraang buwan. Medyo lumamlam na kasi ang balita tungkol dito, pero wait lang, biglang may humihirit na papunta na tayo sa exciting part?!
Base sa isang lumabas na memo na ipinadala kay BOC Commissioner Ariel Nepomuceno ni SP/LT Erwin Kristoffer Gomez, investigator on case, na naglalaman ng investigation report sa insidente, mukhang mismong mga tauhan ng Customs Police-Enforcement Security Service ang may reklamo hindi lamang sa ginawa ng HPG Metro Manila kundi laban sa mga kasamahan nila sa ahensya.
Parang may sariling mundo ata ang ilang tauhan ng Customs Police-ESS.
Ang siste raw kasi, itong isang Special Agent “Joy” Solmayor at Technical Support Staff “Alex” Arroyo Jr. ay nanghimasok umano sa condemnation activity at pinalilipat ang mga ilegal na sigarilyo imbes na sirain.
Ang hirit pa raw ni Arroyo, “Okay na ‘yan sa mga boss n’yo,” habang si Solmayor naman ay nag-drop ng magic words na nakatimbre na raw ito sa isang “commander.” Bongga, ‘di ba?
Ang dalawang ito ay sinampahan na raw ng kaso ng PNP-HPG sa korte ng Malolos City noong Agosto 28 sa pagbebenta ng sinasabing ilegal na sigarilyo.
May naaresto ring middleman na itinuro ang dalawang nabanggit na BOC personnel na tumanggap umano ng kabayaran kapalit ng 225 boxes ng smuggled Red Carnival cigarettes sa entrapment o buy-bust operation, na isinagawa noong Agosto 19.
Heto pa, may matching action-movie vibe daw sa nangyari dahil ang manager ng warehouse na si “Rana” ay nag-dry-fire pa raw ng baril para takutin ang ESS operatives. Taray, may pa-special effects!
Pero hindi pa tapos ang plot hole, base rin sa report, si Solmayor lamang ang may valid Mission Order para i-monitor at i-verify ang condemnation activity kaya kinukuwestiyon nila kung bakit naroon sa warehouse si Arroyo.
Ayon mismo sa dokumento, ang mga hakbang na ito ay sadyang “detrimental to the service” at posibleng magdala sa kanila sa mainit na imbestigasyon para sa pananagutang administratibo o kriminal.
Dati, kanya-kanya tayong hula dahil magkaiba ang naratibo ng PNP-HPG at ng BOC. Pero ngayon, unti-unting lumilinaw ang tunay na kulay ng kuwento na nakatutok na kina Solmayor at Arroyo.
Kaya heto na ang malaking tanong ng mga ‘marites’ sa isyu: nilaglag na kaya ng BOC ang kanilang tauhan para proteksyunan ang isang mataas na opisyal? Iyan ang hindi natin alam. Habang may kani-kaniyang internal investigation ang kapulisan at ang BOC, mukhang mas maganda kung ang Palasyo, Kongreso, at Ombudsman na ang sumilip sa girian na ito para lumantad ang buong katotohanan.
84 