CITIZENS’ ROLE SA VP TRIAL, IKINALUGOD NG PROSECUTION TEAM

MAINIT na tinanggap ni House trial spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong ang paglulunsad ng “Bantay Senado,” isang citizens’ watchdog na magbabantay sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte upang matiyak na magiging transparent, patas at may pananagutan ang proseso.

Ayon kay Alonto Adiong, ang pagbuo ng naturang citizens’ watchdog bago pa man magsimula ang paglilitis sa Senado ay nagpapakita ng lumalaking interes ng publiko sa kaso.

“We welcome this initiative because citizens have an important role to play in ensuring transparency and accountability throughout the impeachment process,” ani Adiong.

Pinangunahan ng De La Salle University-Manila ang Bantay Senado, isang non-partisan coalition na binubuo ng mga estudyante, akademiko, abogado, civil society groups at mga concerned citizens.

Ayon sa grupo, babantayan nila ang impeachment proceedings upang makatulong na matiyak na ang paglilitis ay isasagawa sa isang konstitusyonal, patas, walang kinikilingan at transparent na paraan.

Binigyang-diin ng mga organizer na wala silang pinapanigan sa usapin ng sala o kawalang-sala ni Duterte at layunin lamang nilang isulong ang public oversight at mas malawak na pag-unawa ng publiko sa impeachment process.

“Napakahalaga ng papel ng mamamayan ngayon dahil hindi lang ito laban ng ebidensya sa loob ng impeachment court. Ito rin ay laban para sa katotohanan sa gitna ng napakaraming misinformation at disinformation,” dagdag pa ng mambabatas.

Paulit-ulit nang nagbabala si Alonto Adiong na ang planadong disinformation efforts ay maaaring magpahina sa pag-unawa ng publiko sa paglilitis kaya mahalaga umano ang citizen-led initiatives na naghihikayat ng public engagement at fact-based discussions upang makontra ang mga pekeng naratibo.

“Ang pinakamahalaga ay manatiling nakatuon ang taumbayan sa mga ebidensya, sa mga katotohanan, at sa proseso na itinatadhana ng Konstitusyon,” giit ni Adiong.

Kumpiyansa rin si Alonto Adiong na ang pagbabantay ng publiko ay makapagpapalakas sa kredibilidad ng impeachment proceedings anuman ang maging resulta nito.

“At the end of the day, transparency strengthens trust. The more Filipinos understand and follow the process, the stronger our democratic institutions become,” pagtatapos ng solon.

Sa kasalukuyan, mayroon nang mahigit 350 volunteers sa buong bansa ang Bantay Senado at nagpaplano silang magsagawa ng public education campaigns, community town halls, volunteer training activities at trial-monitoring efforts habang nagpapatuloy ang paglilitis.

(TINA MENDOZA)

75

Related posts

Leave a Comment