Balanseng foreign policy dapat NO TO WAR, DEATH, DESTRUCTION – ATTY. RODRIGUEZ

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

KINALAMPAG ni Atty. Vic Rodriguez ang administrasyong Marcos na magkaroon ng balanseng foreign policy sa gitna ng nangyaring sigalot sa Gitnang Silangan.

Ani Rodriguez, hindi dapat magpagamit ang Marcos admin sa isang bansa at ilagay sa kompromiso ang mga Pilipino.

Sa kanyang Facebook page noong isang linggo, nag-post ang dating executive secretary ng:

“Ngayon higit kailanman ay dapat masusing pag-isipan ng Marcos administration na balansehin ang ating foreign policy. Huwag bulag na magpagamit at kumiling sa interes ng banyagang alyado at lubusang isuko at ikompromiso ang interes nating mga Pilipino sa ngalan ng kinabukasan ng ating bansa at mga kabataan.

Nasasaksihan natin ang giyerang kasalukuyang nagaganap sa pagitan ng Israel-Iran, Israel-Palestino, Russia-Ukraine. Hindi natin kailangan masadlak sa ganitong kahalintulad na sitwasyon dahil lang sa panghihimasok ng dayuhang interes na pilit na nagbabalat-kayo na ating kaibigan at alyado.”

Payo pa niya, dapat tahakin ng kasalukuyang administrasyon ang solusyong diplomatiko, dayalogo at negosasyon tungo sa kapayapaan at iwasan ang armadong sigalot laban sa bansang China.

Matatandaang nagkasundo ang Israel at Iran na magtigil-putukan o ceasefire subalit nanawagan ang Pilipinas ng patuloy na dayalogo para parmanenteng tuldukan ang armadong labanan sa pagitan ng dalawang bansa.

Ang Pilipinas ay mayroong mahigit 2 milyong migranteng Filipino sa Gitnang Silangan.

Ang US-brokered ceasefire ay naging epektibo, noong Lunes kasunod ng mga araw ng palitan ng missile strikes sa pagitan ng Israel at Iran, dahilan para malagay sa panganib ang mahigit sa 31,000 Pinoy na nakatira sa dalawang Middle East states.

Tinatayang 30,000 karamihan ay Filipino caregivers sa Israel at mahigit 1,100 Pinoy naman sa Iran.

82

Related posts

Leave a Comment