NAGUGUTOM NA PINOY DUMAMI

AT YOUR SERVICE ni KA FRANCIS

MABUTI na lang nagpatupad ng ceasefire sa giyera sa pagitan ng Israel at Iran, kung hindi ay baka lalo pang dumami ang mga kababayan natin na walang makakain sa susunod na mga linggo.

Hindi lingid sa atin kaalaman na kapag nagkakaroon ng sigalot ang ilang mga bansa riyan sa Middle East ay agad tumataas ang presyo ng mga produktong petrolyo, kasunod naman niyan ang pagsirit naman ng presyo ng mga bilihin.

Lahat kasi ay ginagamitan ng mga produktong petrolyo, kaya pag tumaas ang presyo nito, lahat ng mga bilihin, kasama ng pamasahe sa mga pampublikong sasakyan, magtataasan na rin.

Buti na lang pinakinggan ang ating mga dasal na hindi na tumagal at hindi humantong sa kinatatakutan ng marami, sa World War III ang giyera ng Iran at Israel.

Ang naganap na 12 Day War ng Iran at Israel, ay umepekto agad sa Pilipinas, lalo sa usapin ng presyuhan ng langis, kasabay niyan ay naapektuhan din ang overseas Filipino workers na nagtatrabaho sa Iran at Israel.

Dahil sa takot ng OFWs na baka mapahamak sila sa giyera, marami sa kanila ang napilitang umuwi sa Pilipinas, siyempre pagdating nila sa sariling bansa ay tambay sila rito.

Malamang ay madaragdag pa sila sa nagugutom na mga Pinoy dito sa Pilipinas.

Ayon sa Social Weather Station (SWS), nitong nakalipas na tatlong buwan ay bahagyang tumaas ang bilang ng mga Pilipino na nakaranas ng gutom o involuntary hunger.

Lumilitaw na may 20 porsyento ng populasyon ang minsang naranasan na walang makain.

Sa pag-aaral ng SWS na isinagawa nila hinggil sa kagutuman nitong huling linggo ng Abril 2025, tumaas ng 20 bahagdan ang bilang ng nagugutom na Pinoy, at 16.4 percent nito ang nagsasabing nakaranas sila ng moderate hunger, habang 3.6 percent ang dumanas ng labis ng kagutuman.

Kaugnay sa nasabing pag-aaral hinggil sa kagutuman sa bansa nitong April 23 hanggang 28 survey, lumilitaw rin na kalahati ng populasyon o 50 percent ng mga Pilipino ang nagsabing mahirap sila.

Mas mataas ang bilang ng mga pamilyang nakaranas ng gutom sa Mindanao, na may 26.3 percent, sumunod ang Metro Manila na may 20.3 percent, habang sa Visayas naman ay 19.7 percent, at ang tinaguriang Balance Luzon—or areas outside Metro Manila—ay 17 percent.

oOo

Para sa inyong katanungan, maaari po kayong mag-text o tumawag sa cell# 0917-861-0106.

186

Related posts

Leave a Comment