HINDI na pagbabayarin ng kanilang kontribusyon o premium sa Philippine Health Insurance Corp., (PhilHealth) ang milyong overseas Filipino workers (OFWs) kapag naisabatas ang isang panukalang batas na inihain sa unang araw ng 20th Congress.
Sa ilalim ng House Bill (HB) No. 2 na inakda ni Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez, kasama ang anak na si Tingog party-list Rep. Andrew Julian Romualdez at Rep. Jude Acidre, aamyendahan ang Republic Act (RA) 11223 o “Universal Health Care Act” para hindi na singilin o pagbayarin ng premium ang OFWs.
Hindi lamang ang mga land-based OFW ang malilibre sa kontribusyon kundi maging ang mga sea-based o ang mga tinatawag na seafarers o seamen dahil gobyerno ang magbabayad nito.
“The measure provides that half of the OFWs’ premium contributions shall be paid by the national government, while the other half shall be shouldered by their employers,” nakasaad sa panukala.
Bukod dito, layon din umano ng panukala na ibaba ang premium contribution ng mga miyembro ng PhilHealth na nagtatrabaho sa bansa habang ang mga indirect contributor ay patuloy na isa-subsidize ng gobyerno.
Upang matiyak umano na hindi magagamit sa ibang programa at proyekto ay ipagbabawal na ilipat ang hindi nagagamit na pondo ng PhilHealth sa national treasury kapag naisabatas ang panukala.
Magugunita na hinarang ng Korte Suprema ang paglilipat sa pondo ng PhilHealth sa national treasury para gamitin sa Maharlika Investment Funds (MIF).
Gayunpaman, mula sa P89.9 billion na pondong hindi nagamit ng PhilHealth sa mga nakaraang taon, P60 billion ang nailipat sa national treasury bago ito ipinatigil ng Korte Suprema.
“Once passed, this measure will certainly maximize the potential of the Universal Health Care law to become the instrument for universal and equitable healthcare access for every Filipino,” paliwanag ni Romualdez sa kanyang panukala.
(BERNARD TAGUINOD)
