ARANGKADA na ngayong Lunes ang ika-41 iteration ng Balikatan Exercise sa pangunguna ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at United States Armed Forces, na tatagal hanggang Mayo 8, 2026.
Ayon sa AFP, ang taunang ehersisyo ay nakabatay sa umiiral na mga kasunduang legal at hindi nakatuon sa geopolitical rivalry.
Sa kasaysayan, ito na ang pinakamalaking Balikatan—mahigit 17,000 sundalo ang lalahok kasabay ng ika-75 anibersaryo ng Mutual Defense Treaty.
Bukod sa Pilipinas at Estados Unidos, lalahok din ang mga tropa mula sa Australia, Japan, Canada, France at New Zealand, habang may 17 iba pang bansa bilang observers.
“Balikatan is the embodiment of our nation’s commitment to a strong and credible defense posture,” ani Philippine Army Maj. Gen. Francisco F. Lorenzo Jr.
Dagdag pa niya, pagkakataon ito para mapabilis ang modernization ng AFP at mapalakas ang kakayahan nito sa pagdepensa sa rehiyon.
Nakapaloob sa pagsasanay ang cutting-edge drills sa himpapawid, lupa, dagat at cyber domains.
Ayon naman kay U.S. Marine Lt. Gen. Christian Wortman, matibay ang alyansa ng dalawang bansa sa loob ng 75 taon at patuloy itong pinapalakas ng mga ganitong ehersisyo.
Kabilang sa highlights ang multinational maritime drills sa Northern Luzon, air at missile defense exercises sa Zambales, at maritime strike operations sa Ilocos Norte.
Ibinunyag din na lalahok ang Japan sa live-fire exercises gamit ang Type 88 missile—isang malaking hakbang mula sa pagiging observer lamang noong nakaraang taon.
(JESSE RUIZ)
91 