CHINESE DINUKOT SA PASAY NATAGPUAN SA CAVITE

CAVITE – Nakatakas sa kamay ng umano’y mga kidnapper ang isang 30-anyos na Chinese national makaraang magbigay ng halagang P300,000 sa mga suspek at pagkaraan ay nakitang pagala-gala sa bayan ng Indang sa lalawigang ito, noong Martes ng umaga.

May mga galos sa leeg, dibdib at likod nang matagpuan ang biktimang si Gan Zuo Qi, nagtatrabaho sa isang tourist agency, tubong Lioming China, at pansamantalang nanunuluyan sa Makati City.

Ayon sa salaysay ng biktima kay Corporal Ronnel Taguibao ng Indang Police Station, dinukot umano siya ng limang kalalakihan dakong alas-9:00 ng gabi noong Lunes sa Pasay City at pwersahang isinakay sa isang van.

Ibiniyahe siya sa hindi niya matandaang lugar kung saan siya piniringan at iginapos. Habang bumibiyahe ay hiningian umano siya ng pera ng mga suspek.

Ayon sa biktima, nakapagbigay siya sa mga suspek ng halagang P300,000 sa pamamagitan ng online bank transfer gamit ang kanyang cellphone.

“Pagdating sa isang lugar sa Mataas na Lupa sa Indang, Cavite, tumigil ang mga suspek at dito sinamantala ng biktima na buksan ang likurang bahagi ng sinasakyang van saka tumalon ito at tumakas,” ayon kay Taguibao.

Pinabayaan na lamang umano ng mga suspek ang biktima at pinasibad ang kanilang sasakyan papalayo.

Naglakad naman ang biktima hanggang sa nakarating sa harapan ng Don Aldrin Bus Terminal sa Mataas na Lupa kung saan tinulungan siya ng ilang mga driver at konduktor dakong alas-5:30 noong Martes ng umaga saka ipinaalam ang insidente sa pulisya.

Dinala ng Indang Police ang biktima sa Pasay City Police kung saan pinauwi na rin umano ang biktima.

Nabatid na tatlong taon nang nakatira ang biktima sa Pilipinas at nagtatrabaho sa isang tourist agency ngunit wala umanong kaaway o pinagkakautangan. (SIGFRED ADSUARA)

92

Related posts

Leave a Comment