P8-M SMUGGLED CIGARETTES NASABAT SA ZAMBOANGA

TINATAYANG umabot sa P8 milyong halaga ng puslit na mga sigarilyo ang nasabat ng mga ahente ng Bureau of Customs-Port of Zamboanga (BOC-POZ) sa Zamboanga City.

Sa tulong ng Regional Special Operating Group (RSOG), CIU-Zamboanga City Police Office (ZCPO), at Police Station 11 (PS11), ay ikinasa ang pagsabat sa nasabing kontrabando matapos na magpositibo ang intelligence information na nasagap ng BOC hinggil sa isang sasakyan na may kargang smuggled cigarettes.

Tumambad sa mga ahente ng BOC ang 207 master cases ng sigarilyo na may brand na Arthur, matapos na masabat ang puting Isuzu Elf na tumatakbo sa kahabaan ng Brgy. Baliwasan sa Zamboanga City.

Katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency na nagsagawa ng joint inventories, napatunayan na walang nakasingit na illegal drugs sa nasabat na kargamento.

Pansamantalang ikinustodiya ng BOC ang ginamit na sasakyan at ang mga puslit na sigarilyo para sa proper inventory and disposition.

Habang inihahanda naman ang kasong paglabag sa Section 1113 (a) and Section 117 ng Republic Act No. 10863, o Customs Modernization and Tariff Act of 2016, in relation to the Tobacco Exportation and Importation Rules and Regulations, laban sa nahuling mga suspek.

Ayon kay District Collector Segundo Sigmundfreud Barte Jr., ang inilunsad na anti-smuggling operation ay bahagi ng marching orders ni  President Ferdinand Marcos Jr. kay Commissioner Yogi Filemon Ruiz, na sawatain ang smuggling sa bansa at paigtingin ang ipinatutupad na border control measures. (JESSE KABEL RUIZ)

16

Related posts

Leave a Comment