PINAS KINAKAPOS SA BLOOD SUPPLY – DOH

SA gitna ng pag-akyat ng bilang ng mga tinamaan ng dengue, isang panawagan ang ipinaabot ng Department of Health (DOH) sa publiko – maghandog ng dugong pandugtong buhay ng pasyenteng nasa balag ng peligro.

Pag-amin ni Acting Health Secretary Rosario Vergeire, mabilis na numinipis ang suplay ng dugo sa blood bank centers na pinangangasiwaan ng pamahalaan.

Paniwala pa ng Kalihim, lubhang naapektuhan ang buffer stock ng gobyerno bunsod ng patuloy na banta ng nakamamatay na COVID-19 na batay mismo sa datos ng departamento ay posibleng pumalo sa 19,000 araw kaso a huling bahagi ng buwan ng Agosto – kung patuloy na tatanggihan ng mga mamamayan ang libreng bakunang alok ng pamahalaan.

“Nananawagan tayo sa ating mga kababayan, doon sa ating mga volunteer blood donors, kung maaari po makapagbigay tayo para ma-sustena natin ang ating supply ng dugo sa ating bansa,” aniya sa isang panayam sa telebisyon.

Bagamat patuloy naman aniya ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga regular blood donors mula sa hanay ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP) at Bureau of Fire Protection (BFP), mas mabibigyan umano ng angkop na lunas ang mga pasyente kung makakaipon ng dugo ang kanilang kagawaran.

“Sa ngayon, unti-unti na uling nag-i-increase ang ating blood donors. Intensive po ang kampanya for blood donation natin ngayon so that we can provide ‘yung blood products na kailangan ng ating populasyon.”

Sa datos ng DOH, umabot na sa 51,622 kumpirmadong kaso (karamihan ay batang edad 12 pababa) ng dengue ang naitala ng kagawaran mula Enero hanggang Hunyo ng kasalukuyan taon. Ayon pa sa naturang ahensya, higit na mataas ng 58% ang bilang ng mga pasyente ngayong taon kumpara sa 32,610 cases na naitala sa unang anim na buwan ng nakalipas na taon.

Bahagi ng gamutan ng dengue ang pagpapalit ng maruming dugong dumadaloy sa ugat ng isang pasyenteng positibo sa karamdamang karaniwang dulot ng kagat ng lamok. (RENE CRISOSTOMO)

85

Related posts

Leave a Comment