BAM AQUINO, HINIKAYAT NG MGA BETERANO NG ‘PINK’ MOVEMENT NA TUMAKBONG PANGULO SA 2028

PORMAL na nanawagan ang mga lider ng IM k Leni movement kay Senador Bam Aquino na tumakbo bilang pangulo sa halalan ng 2028, sa gitna ng panawagan para sa pagkakaisa ng bansa at pagtalikod sa nakasanayang pulitika ng patronage at katiwalian.

Ang nasabing kilusan, na binubuo ng mga boluntaryong nagmula sa 2022 “Pink” campaign, ay nagsabing ang naging resulta ng 2025 midterm elections—kung saan muling nahalal sina Aquino at Kiko Pangilinan sa Senado—ay patunay na nananatiling buhay at malakas ang panawagan para sa “Gobyernong Tapat.”

Ayon kay Elmer Argaño, secretary-general ng kilusan, nasa isang mahalagang yugto ang bansa dahil sa lumalalim na hidwaan sa pulitika at pagbabago sa pambansang direksyon.

Aniya, si Aquino ang kumakatawan sa tinatawag nilang “modern center,” isang lider na kayang pagdugtungin ang magkakaibang panig.

“Ang mga Pilipino, lalo na ang kabataan, ay naghahanap ng lider na hindi lamang kilala ang pangalan kundi may malinaw na paninindigan at konkretong nagagawa,” ani Argaño.

Aniya pa, “Habang abala ang mga tradisyunal na dinastiya sa agawan ng kapangyarihan, nananatiling consistent si Bam Aquino—progresibo sa pananaw ngunit praktikal sa pagbuo ng pagkakasundo. Siya ang lider na kayang magbuklod sa isang hati-hating bansa.”

Iginiit ng mga tagasuporta na ang track record ni Aquino sa edukasyon, trabaho, at pagsusulong ng micro, small and medium enterprises (MSMEs) ay nagsisilbing matibay na pundasyon para sa pagbangon ng ekonomiya.

Binigyang-diin naman ni Nick Malazarte, Visayas coordinator ng kilusan, na ang tunay na lakas ni Aquino ay ang kanyang malalim na ugnayan sa grassroots o karaniwang mamamayan.

“Napatunayan natin noong 2022 at lalo pang pinagtibay noong 2025 kung ano ang kayang gawin ng sama-samang pagkilos,” ani Malazarte. “Sa 2028, layunin nating gawing mas malawak na kilusan ang apoy ng pag-asa—isang liwanag na gagabay sa kinabukasan ng bawat kabataang Pilipino.”

Dagdag pa ng grupo, magsasagawa sila ng iba’t ibang aktibidad at pakikipag-ugnayan sa mga kaparehong organisasyon upang palakasin ang panawagan para sa posibleng kandidatura ni Aquino.

Hinihikayat din nila ang kabataan na maging aktibo sa paghubog ng susunod na administrasyon at tiyakin na ang magiging pangulo ay tunay na “Pangulo ng Bayan.”

140

Related posts

Leave a Comment