BINIGYAN ni Senador Bam Aquino ng mga kopya ng kanyang resolusyon ang mga miyembro ng Fight Alliance Sports Team–International Shotokan Karate Federation (FAST-ISKF) na kumatawan sa bansa sa 3rd Asian Karate Youth Open Championship and Training Camp na ginanap sa Hangzhou, China, kasama ang kanilang coach, national team coach at dating kapitan ng Karate Pilipinas national team na si Engene Stoner Dagohoy.
PINURI ni Senator Bam Aquino ang mga batang Pinoy karatekas na nagbigay ng karangalan sa bansa sa ginanap na 3rd Asian Karate Youth Open Championship and Training Camp sa Hangzhou, China mula Hulyo 22 hanggang 26, 2026.
Kinikilala sa Senate Resolution No. 580 ni Aquino ang kahanga-hangang performance ng delegasyon ng Pilipinas mula sa Fight Alliance Sports Team-International Shotokan Karate Federation (FAST-ISKF) at Alfonso Karatedo Kobudo Renmei (AAKR) laban sa mga kapwa martial artist mula sa iba’t ibang bahagi ng Asya.
Kabilang sa kinilala ang 9-anyos na si Romeo Viktor Enriquez ng FAST-ISKF, na nangibabaw sa Under-10 Male Kumite (+40 kg) category upang makuha ang gintong medalya at nagtapos sa Top 5 ng Under-10 Male Kata category sa kanyang unang international competition.
Nakamit naman ng 13-anyos na si Raphael Mariano Herrera, na kakampi ni Enriquez, ang kanyang ikalawang sunod na bronze medal sa Under-14 Male Kata, habang nagtapos naman si Ripley Tate Borromeo sa Top 5 ng Under-12 Female Kata at Top 7 ng Under-12 Female Kumite.
Kinilala rin ni Aquino sina Ellis Sebastian Canoza at Colin Isaiah Paolo ng FAST-ISKF, na sinanay ni national team coach at dating Karate Pilipinas national team captain Engene Stoner Dagohoy.
“These achievements reflect the dedication of the athletes, their coaches, parents, sports organizations, and supporters from both the public and private sectors who continue to nurture and develop young Filipino talent,” ani Aquino, na personal na bumati sa mga batang karatekas at kanilang mga coach sa isang pagpupulong.
Binigyang-diin ni Aquino na nakatutulong ang karate sa paghubog ng disiplina, tiyaga, pagpapakumbaba, katatagan, at tiwala sa sarili ng mga kabataang Pilipino, habang binibigyan ng pagkakataong magtagumpay sa international events.
“The success of these young athletes serves as an inspiration to the nation’s youth to pursue excellence through hard work and determination, underscoring the importance of sustained support for youth and sports development,” dagdag pa niya.
51 