LGU, police maagang nag-inspeksyon BAR EXAMINEES DUMAGSA SA UST

HALOS magbubukang-liwayway pa lamang nitong Linggo, dumagsa ang bar examinees sa University of Santo Tomas (UST) sa Maynila, isa sa mga testing center para sa 2026 Philippine Bar Examinations.

Halatang tensyonado at excited ang mga kukuha ng pagsusulit na bagama’t nakangiti ay panay ang dasal na sana “basic” lang ang kukuning pagsusulit.

Kasama rin ng ilang examinees ang kanilang mga kaibigan, kaklase at pamilya na todo-suporta sa kanila.

Nauna rito, inaprubahan ng Korte Suprema ang 13, 441 aplikante mula sa 14, 291 na nagparehistro para sa nasabing pagsusulit.

Nitong nakalipas na linggo, pinayuhan ni Supreme Court Associate Justice Samuel Gaerlan ang examinees ng 2026 Bar Examinations na magtiwala sa sarili at huwag panghinaan ng loob sa gitna ng kaba at pangamba.

Bilang chairman ng 2026 Bar Examinations, sinabi ni Gaerlan, normal lang na magkaroon ng agam-agam, takot at pangamba pero hindi aniya ito dapat maging dahilan para sumuko.

Hinimok din ni Gaerlan ang bar takers na huwag susuko sa halip ay ipagpatuloy ang laban para sa kanilang pangarap na maging abogado.

Nakaiskedyul ang bar exams ng Setyembre 6, 9 at 13, 2026 at inaasahang mahigit sa kalahati ang makapapasa para sa nasabing exams.

Samantala, pinangunahan nina Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso at Manila Police District o MPD Director PBGen. Atty. Arnold Santiago ang joint inspection nitong Linggo ng madaling araw, Setyembre 6, sa University of Santo Tomas o UST, para tiyakin ang kaligtasan, seguridad, at maayos na pagsasagawa ng 2026 Bar Examinations.

Nasa UST si Domagoso bandang alas-4:30 a.m., isa sa testing sites sa Maynila, para personal na inspeksyunin ang mga paghahanda at tiyaking nakahanda na ang lahat ng kinakailangang hakbang para sa kaligtasan at kaginhawaan ng mga bar examinee, kanilang pamilya, at lahat ng personaheng naka-deploy sa lugar.

Ayon kay Domagoso, gagamitin ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila ang lahat ng available na resources para suportahan ang pagsasagawa ng Bar Examinations ngayong taon.

Sa kanyang bahagi, sinabi ni Santiago na nag-deploy ang MPD ng halos 400 personnel para siguruhin ang dalawang testing sites sa Maynila.

Sa UST, nasa 180 personnel ang naka-deploy, kung saan matatagpuan ang dalawang entry gates sa P. Noval at Lacson Avenue.

Habang 168 personnel naman ang naka-deploy sa testing site ng San Beda University, na ang mga itinakdang drop-off point ay sa Concepcion Aguila at J.P. Laurel Streets.

(JULIET PACOT/JOCELYN DOMENDEN)

60

Related posts

Leave a Comment