NAWAWALA ang isang mangingisda matapos masunog ang sinasakyan nitong fishing banca sa katubigan ng Calatagan, Batangas.
Kinilala ang nawawala na si Celideño Hernandez, 47-taong gulang, residente ng Sitio Dayap, Barangay Tanagan, Calatagan.
Ayon sa Philippine Coast Guard o PCG, nakita ng mga kapwa mangingisda ang bangka sa tinatayang 500 metro southwest ng Cafe Santiago Lighthouse noong Linggo, Setyembre 13, habang ito ay nasusunog ngunit walang nakitang sakay.
Hinila ng mga mangingisda ang bangka patungo sa shoreline para sa kaligtasan at beripikasyon.
Nakumpirma naman ng PCG sa pamilya na si Hernandez ang sakay ng fishing banca na “Onse Tres,” na umalis bandang alas-6 ng umaga para mangisda.
Patuloy ang search and rescue operation ng PCG sa katubigan ng Calatagan, habang nananawagan sa mga mangingisda, boat operators at mga residente sa coastal areas na agad iulat ang anomang impormasyon na makatutulong sa paghahanap kay Hernandez.
(NILOU DEL CARMEN)
50 