NAGSAGAWA ng indignation rally ang mga miyembro ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) sa harap ng Korte Suprema sa Padre Faura Street, Maynila upang igiit ang agarang pagresolba sa mga nakabinbing petisyon kaugnay nina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Sen. Ronald “Bato” dela Rosa.
Kabilang sa mga panawagan ng grupo ang agarang pagdedesisyon sa mga petisyong habeas corpus na inihain para kay Duterte at sa mga kasong kumukuwestiyon sa pagpapatupad ng mga arrest warrant na inilabas ng International Criminal Court (ICC).
Ayon kay Atty. Ferdinand Topacio, bagama’t hindi siya ang abogado ni Dela Rosa, iginiit ng partido na dapat nang resolbahin ng Korte Suprema ang petisyon ng senador kaugnay ng isyu sa arrest warrant ng ICC.
Hiniling din ni Topacio sa publiko ang suporta at panalangin upang maresolba ang mga kinakaharap na isyu ng bansa.
Kabilang sa mga nakabinbing usapin sa mataas na hukuman ang magkahiwalay na petisyon nina Duterte at Dela Rosa na kumukuwestiyon sa pagpapatupad sa Pilipinas ng mga arrest warrant na inilabas ng ICC.
Ang pangunahing petisyon, na inihain noong Marso 11, 2025, ay kumukuwestiyon sa pakikipagtulungan ng pamahalaan ng Pilipinas sa ICC at humihiling na pigilan ang pagpapatupad sa bansa ng mga nasabing warrant.
Nakasentro rin ang usapin sa konstitusyonalidad ng pagpapatupad sa Pilipinas ng mga arrest warrant mula sa mga dayuhang institusyon nang walang kaukulang kautusan mula sa lokal na hukuman.
Matapos arestuhin si Duterte sa paliparan noong Marso 2025, naghain naman ang kanyang mga anak ng pinagsama-samang petisyon para sa habeas corpus upang hilingin ang pagpapalaya sa kanilang ama mula sa kustodiya ng ICC.
Kasabay ng kilos-protesta, naghain din ng open letter ang PDP-Laban sa Korte Suprema.
Ayon kay PDP-Laban Acting Chairman Alfonso Cusi, hindi humihingi ng espesyal na pagtrato o pagkiling ang partido sa hudikatura kundi malinaw at agarang desisyon sa mga petisyong habeas corpus at mosyon para sa temporary restraining order (TRO), anuman ang maging pasya ng korte.
(JULIET PACOT)
64 