BASAG-KOTSE GANG MULING UMATAKE SA CAVITE

CAVITE – Makaraan ang ilang buwang pagtatago, muli na namang umatake ang mga miyembro ng “basag-kotse” gang at nabiktima ang isang dalaga na tinangayan ng tinatayang P29,000 halaga ng cash at alahas sa General Trias City noong Miyerkoles ng madaling araw.

Ayon sa ulat, bandang alas-7:50 ng gabi nang mangyari ang insidente sa F. Manalo St., Brgy. Navarro, General Trias City saan nabiktima si alyas “Aletah”, dalaga, ng Brgy. Biclatan, Gen. Trias City, Cavite.

Ayon sa salaysay ng biktima, ipinarada niya ang kanyang sasakyan na isang Toyota Vios na may plakang NGP 5510, sa nasabing lugar at pumasok siya sa First Rx Pharmacy.

Makalipas ang ilang sandali, nang bumalik ito sa kanyang nakaparadang sasakyan ay napansin na basag na ang salamin sa likurang bahagi ng passenger seat at nawawala na ang iniwang bag na may lamang iba’t ibang ID at ATM cards, gintong relo na P18,000 ang halaga, gintong singsing na P8,000 ang halaga at P3,000 cash.

Matatandaan na base sa datos, namayagpag ang mga insidente ng basag-kotse sa iba’t ibang lugar sa lungsod at bayan sa Cavite at walang naiulat na pagkakaaresto sa mga suspek.

Nagsasagawa ng backtracking ang pulisya sa CCTV para sa posibleng pagkakakilanlan at pag-aresto sa isa sa mga suspek na kinilalang si alyas “Eugene”.

(SIGFRED ADSUARA)

46

Related posts

Leave a Comment